SA TUWING pumapasok ang Bagong Taon, napupuno ng pag-asa ang karamihan sa atin dahil ito ay sumisimbolo sa bagong simula.
Subalit tila hindi ganoon kaganda ang simula ng taon para sa ekonomiya at para sa bayan dahil sa balitang napakataas na inflation rate noong Disyembre 2022 na naitala sa 8.1%. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 5.8% ang average na inflation rate nitong taong 2022.
Ang pagtaas ng inflation rate ay epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa. Sa paliwanag ni PSA Undersecretary Dennis Mapa, ang pagtaas ng inflation rate noong nakaraang buwan ay dulot ng pagtaas ng presyo ng mga gulay at prutas gaya ng repolyo, kanin, saging, at ang sikat na sikat at pinag-uusapang sibuyas na kasalukuyang nasa P720 kada kilo ang presyo.
Kabilang sa natukoy na dahilan ng inflation ay ang pagtaas ng singil sa mga kainan at mga accommodation services. Nabanggit din ang gastos sa housing, at sa mga utility bills gaya ng tubig at koryente, pati na rin ang produktong petrolyo na dahilan din ng pagtaas ng antas ng inflation.
Ayon sa datos, ang naitalang 8.1% na inflation rate ang pinakamataas magmula noong Nobyembre 2008. Kung pagkukumparahin, napakalayo ng agwat sa pagitan ng inflation rate noong Disyembre 2021 sa antas ngayong taon dahil 3.1% lamang ang naitala noong Disyembre ng nakaraang taon.
Maaaring marami sa atin ang hindi masyadong iniinda sa kasalukuyan ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo dahil galing tayo sa mga buwan kung kailan karaniwang pumapasok at natatanggap ang mga bonus mula sa mga trabaho kaya medyo maluwag ang pisi ng iba sa atin. Subalit, paano naman ang mga walang trabaho, o may trabaho man ngunit hindi sapat ang kinikita?
Dapat tutukan ng pamahalaan ang antas ng iflation sa bansa dahil marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi maganda ang kalagayang pinansyal dahil sa pandemya. Marami ang ngayon pa lamang bumabawi sa naging negatibong epekto ng mga lockdown gaya ng pagkawala ng trabaho, pagsasara ng mga negosyo, at iba pa. Ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin ay hindi makatutulong bagkus, lalong makapagpapabigat sa kalagayang pinansyal ng mamamayan.
Nagpaliwanag naman si National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan ukol sa mga ginagawa ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng mataas na antas ng inflation sa mga mamamayan. Aniya, patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga subsidiya at mga diskwento sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon sa isang eksperto na si Kerry Craig, ang global strategist ng JPMorgan, matinding isyu ang antas ng inflation ngunit hindi ito sa Pilipinas lamang nangyayari. Sa kanyang paliwanag, ang isyu sa supply ang mas nagtutulak pataas sa presyo ng mga bilihin kaysa sa pagtaas ng demand. Tila batid din ito ng pamahalaan dahil nabanggit din ni Balisacan na mas binibilisan ang produksyon ng mga pagkain upang mas mapataas ang supply, nang sa gayon, mapababa ang presyo nito.
Nagbigay naman ng pahayag si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) sa isyu at sinabing dapat agad na matugunan ang isyu sa sektor ng agrikultura. Subalit, sinabi rin niyang bagama’t umakyat sa 8.1% ang antas ng inflation, ito ay hindi nalalayo sa naging forecast na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas na 7.8 to 8.6 percent. Makatitiyak naman tayong aaksiyunan ng pamahalaan ang isyung ito dahil mismong si PBBM na ang nagkomento rito.
Ang pagharap sa isyu ng antas ng inflation ay hindi lamang nakasalalay sa gagawin ng pamahalaan. Tayo, bilang mamamayan, ay may kakayahan ding labanan ito sa pamamagitan ng pagiging matalino at masinop sa paggastos ng ating pera. Hindi dahil mayroong ekstrang pera mula sa mga natanggap na bonus o aguinaldo ay lalakas na ang loob nating gumastos. Ugaliin nating maging matipid at maging wais ukol sa kung saan ilalaan ang ating pera dahil kahit bumaba ang antas ng inflation, kung hindi tayo marunong mangasiwa ng badyet, patuloy tayong mahihirapan at kukulangin sa panggastos.