DUMARAMI ang mga umaalma at tila nabulaga nang matanggap nila ang kanilang bill sa koryente ngayon buwan ng Mayo. Halos ang lahat ay hindi makapaniwala sa sobrang taas ng kanilang babayaran sa Meralco.
Marami ang may kanya-kanyang dahilan at husga kung bakit daw masyadong mataas ang singil ng koryente. May mga iba pa riyan ay nilalarawan ang Meralco bilang isang mapagsamantalang korporasyon na kinuha ang oportunidad ng kaguluhan ng ECQ upang gatasan at kikilan ang kanilang mga customer. Pati na ang mga politiko at mga militanteng grupo ay sumawsaw na rin at sumakay sa isyu upang batikusin ang mataas na singil ng Meralco ngayong Mayo.
Teka. Puwede ba tayo maghunos-dili at pag-aralan muna kung bakit nga ganito ang itinaas ng ating billing? Maari bang huwag munang manghusga at suriin ang mga sumunod na pangyayari nitong panahon ng ECQ at ang kainitan sa panahon ng summer?
Bilang pagsunod sa ipinatupad ng pamahalaan ng ECQ, pansamantalang ipinahinto ng Meralco ang pagbabasa ng metro para sa kaligtasan at kalusugan ng mga customer at ng mga meter reader. Dahil dito, nagkaroon ng pag-estimate ng bill ang mga customer para sa buwan ng Marso at Abril. Ang pag-estimate ng bill ng customer ay base sa average ng huling tatlong buwan na konsumo ng mga ito. Pinapayagan ito sa ilalim ng Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) ng ERC.
Para sa buwan ng Marso at Abril, ang ginamit na basehan ng estimeyt ng bill ay ang konsumo para sa buwan ng Disyembre 2019, Enero 2020, at Pebrero 2020. Mababa ang ginamit na estimeyt dahil ito ay ang tinatawag na ‘cooler months’ kung saan hindi tayo gaano gumagamit ng aircon at hindi hirap ang mga appliances natin sa konsumo ng koryente. Sa mga buwan na ito ay ‘di hamak na mas mababa kumpara sa temperatura sa kasalukuyan.
Bukod pa sa init ng panahon, ang isang bagay rin na maaaring nakaapekto sa paglaki ng konsumo ng customer ay ang pamamalagi sa loob ng bahay dahil sa ECQ. Tiyak na magkakaroon ng pagtaas sa konsumo dahil sa mas matagal na paggamit ng mga kagamitang de-koryente at kagamitang pamalamig gaya ng aircon at bentilador.
Ang tanging basehan ng Meralco sa pag-kalkuka ng konsumo ng mga customer ay ang reading na nakukuha sa ating metro. Ngayong buwan pa lang ng Mayo na magsimulang umikot ang ating mga meter readers. Batay sa galaw ng konsumo ng ating koryente taon-taon, palagi ito tumataas tuwing buwan ng Mayo. Kaya naman bukod sa mataas na konsumo natin ng koryente nitong Mayo, naipatong pa ang konsumo natin sa buwan ng Marso at Abril. Kasama pa rito ang tunay na nakonsumo natin sa mga nasabing buwan batay sa nabasa sa metro na maaring mas mataas dahil nga sa pananatili natin sa bahay dulot ng ECQ. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagtaas ang bill ng customer sa buwan ng Mayo.
Nguni’t kung masyadong mataas ito upang bayaran nang minsanan, inutusan ng ERC ang Meralco na bigyan ng palugit ang kanilang mga customer na bayaran ito sa loob ng apat na buwan.
Kahit ano ang duda ng iba sa Meralco, naniniwala ako na ang pagbasa sa ating mga metro ay tama mula sa kanila. Maaring magkaroon ng pagkakamali, subali’t sa pangkalahatan tama ang mga numero sa mga metro ng Meralco. Ito ang tanging basehan ng ating kinonsumo. Wala nang iba. Ibang usapan kapag ‘yung metro ay sira. Papalitan ‘yan ng Meralco at aayusin nila ang sobra o kulang na bayad mo sa susunod na bill.
Mahirap at magulo ang idinulot ng COVID-19. Napilitan ang ating pamahalaan na magdeklara ng ECQ ng mahigit na dalawang buwan. Dahil dito marami ang apektado. Nawalan ng hanapbuhay ang karamihan sa atin at nagpatong-patong na rin ang mga obligasyon na babayarin. Isa na rito ay ang koryente.
Subali’t naniniwala ako na maaring magkaroon pa ng solusyon ito upang hindi tayo mahirapang magbayad ng ating mataas na singil sa koryente. Naniniwala ako na makakahanap ng paraan ang Meralco at ang pamahalaan upang magtulungan upang maibsan ang hirap natin. Maaring sa pamamagitan ng mas mahabang installment at mabawasan ng kaunti ang ating babayaran sa koryente.
Comments are closed.