IPINAHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ginawa ang napakataas na footbridge sa EDSA-Kamuning sa Quezon City hindi para sa persons with disabilities (PWDs), senior citizens at mga buntis kundi para sa mga able-bodied pedestrian.
Ito ang reaksiyon ni MMDA General Manager Jose Arturo “Jojo” Garcia Jr., matapos mag-viral sa social media ang litrato nito at binatikos ng ilang netizens na sobrang taas aniya ng footbridge na hindi kombinyente sa persons with disabilities (PWDs), senior citizens at mga buntis.
Sinabi ni Garcia na ginawa ang naturang footbridge dahil sa ilang aksidente na kinasasangkutan ng mga pedestrian na tumatawid ng EDSA.
“We need to know the purpose for the design of the footbridge. Sa lugar na ‘yan marami nang aksidente; tumatawid ang tao pumupunta sa ilalim. Ang daming naho-holdap diyan. Kaya namin inilagay ‘yan para may option ang tao kaysa makipagpatintero ka sa mga kotse at kay kamatayan may footbridge diyan,” ani Garcia.
Ang pangunahing layunin aniya kung bakit itinayo ang naturang footbridge ay para sa kaligtasan ng mga tumatawid na pedestrian.
Ang naturang steel footbridge ay may siyam na metro na mas mataas sa power lines ng MRT-3.
Nasa P10 milyon ang budget sa pagpapagawa ng footbridge at plano itong lagyan ng escalator na inaasahang matatapos ngayong Nobyembre 15 ng taong kasalukuyan.
MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.