KASUNOD ng pag-anunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mataas na temperatura ang aasahan ng publiko sa lalo pang papalapit na peak season ng summer, ay naglabas na si Manila Mayor Honey Lacuna ng mga seryeng aksyon upang maproteksyunan ang mga Manileño partikular ang mga mag-aaral sa masamang epekto ng mainit na panahon at pagkabilad sa araw.
Sinabi ng alkalde na ang anim na public hospitals na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ay handa para sa mga heat-related incidents.
Ang mga school authorities lalo na ang mga principals sa mga public elementary, high school at universities ay pinaalalahanan na tiyakin na ang mga pagkain na tinitinda sa mga school canteens ay hindi agad masisira o mapapanis sa sobrang init ng temperatura at iwasan ang pagtitinda ng mga pagkaing madaling mapanis.
Hangga’t maaari ay sinabi ni Lacuna na isilbi agad ang pagkain dalawang oras pagkatapos itong lutuin base sa payo ng mga health authorities.
Hinikayat din ng lady mayor ang mga school authorities na tiyakin na may tamang bentilasyon ang kanilang mga silid aralan, at himukin ang mga estudyante na palagian na uminom ng tubig upang manatiling hydrated at iwasan ang heat stress.
Ipinayo din ng alkalde na gawing limitado ang mga outdoor activities, exercises o drills at kung hindi naman ito maiiwasan ay ipinapayo na gawin ito sa oras na hindi kritikal o kung hindi na matindi ang sikat ng araw na may masamang epekto sa kalusugan.
Matatandaan na nagbabala ang mga health authorities kontra sa direktang pagkabilad sa araw na mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon.
VERLIN RUIZ