BOOM!
Heto na po ang ang kinatatakutan ko noong nag-anunsiyo ang ating gobyerno at ibinaba ang estado ng ating bansa laban sa COVID-19 sa Level 2 ilang linggo bago ang Pasko.
Ito ay dulot ng unti-unting pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 noong katapusan ng Nobyembre.
Noong ika-14 ng Disyembre, nakapagtala tayo ng 235 na bagong kaso ng COVID-19. Ito na ang pinakamababang bilang ng kaso ng nasabing sakit sa loob ng halos 19 buwan o mahigit sa isa at kalahating taon.
Ang buong bayan ang nagsaya. Lumakas ang pananaw ng sambayanan na nagwawagi tayo laban sa COVID-19. Ang mga dating bumabatikos sa ating pamahalaan sa umano’y maling pamamaraan ng paghawak ng nasabing krisis ay nanahimik. Pero sigurado ako na sa kanilang damdamin ay natutuwa sila sa malaking pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Sa katunayan, ang ating pamahalaan ay inanunsiyo noong ika-3 ng Disyembre na Alert level 2 na tayo at aabot ito sa pagdidirwang natin ng Bagong Taon.
Subalit dahil dito sa magandang balita, marami sa ating mga kababayan ang lumuwag din sa kanilang depensa laban sa COVID-19. Tila ba nawala na ang nasabing nakamamatay na sakit.
Nagmistulang mga daga ang ating kababayan na naglabasan sa kanilang mga lungga. Sumikip ang daloy ng trapiko. Nagsiksikan ang mga tao sa malls at palengke. Marami sa atin ay nagbakasyon sa iba’t ibang lugar ng ating bansa. Nagsisiksikan ang mga pasahero upang makasakay sa mga pampublikong transportasyon. Ang mga bar ay bukas hanggang pasado ng hatinggabi. Nagbukas ang mga sinehan.
Pinayagan na maglaro ng basketball sa mga barangay. Maraml ang mga nakikita ko na tila nakakalimutan na nila na magsuot ng face mask.
Kaya naman hindi kataka-taka na sa loob lamang ng ilang araw matapos tayo magdiwang ng Pasko, balik muli tayo sa pagsirit ng panibagong kaso ng COVID-19. Haaaaays.
Hindi ba napag-uspan na natin dati na ang pagbabawas sa paglabas, work from home, pagsusuot ng face mask, pag-order ng mga grocery, at pagsasagawa ng pagpupulong sa pamamagitan ng Zoom meeting, paghuhugas ng kamay ng sabon, paggamit ng alcohol sa kamay at maraming pang ibang pamamaraan upang makaiwas na mahawa ng COVID-19 ay ang tinatawag na “the new normal”?
Tila kabaligtaran ang ginawa ng mga karamihan ng ating mga kababayan, na kasama na ngayon sa datos sa mataas na bilang ng kaso ng COVID-19, ang umano’y ‘back to normal’, kung hindi ‘back to abnormal’! Tsk tsk tsk.
Ngayon na tumataas na naman ang bilang ng kaso ng nasabing sakit, baka naman sisisihin na naman natin ang ating gobyerno kung bakit inilagay ang bansa natin sa ilalim ng Alert level 2 . Eh bakit ayaw ninyong sisihin ang sarili ninyo sa pagiging pasaway? Kaya pati ang mga mahal natin sa buhay na nanantili sa loob ng bahay ay maaring mahawaan din natin dahil nagpabaya tayo laban sa COVID-19.
Haynaku!