BATANGAS-NASAWI ang isang high ranking leader ng New People’s Army at dalawa pang kasamahan nito matapos ang engkuwentro sa pagitan ng 2nd Infantry “Jungle Fighter” Division ng Philippine Army at rebeldeng grupo sa Batangas nitong Martes.
Sa report ng 2nd ID ng Army, nangyari ang engkwentro habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 59 IB ng Army sa Barangay Leviste – Tubahan sa may boundary ng mga bayan ng Rosario at Taysan Batangas dakong alas-7 ng umaga.
Nasabat ng mga tropa ng pamahalaan ang hindi pa matiyak na bilang mga rebelde at nagkaroon ng nasa kalahating oras na palitan ng putok.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng 3 NPA na kinabibilangan ng kanilang lider na si Junalice Arante-Isita alyas Arya, mula sa Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) at sina Bernardo Bagaas alyas John Paul, Logistics Officer ng Sub-Regional Military Area 4C o SRMA-4C at Erickson Bedonia alyas Ricky.
Narekober ng mga sundalo ang isang M16 rifle, isang baby armalite, isang M4 Bushmaster rifle, anim na jungle packs, at wire para sa Improvised Explosive Devices.
Nabatid na ang napaslang na amasona ay residente ng Barangay Banaba sa Padre Garcia, Batangas at nag-aral ng Bachelor of Science in Behavioral Science sa UP – Manila at asawa ng isa ring lider ng NPA na si Isagani Isita alyas Yano, pinuno ng Sinag 2 ng Southern Tagalog Regional Party Committee (STRPC) na nasawi rin sa labanan noong Hulyo 30, 2023.
Nangyari ang pinakahuling engkuwentro tatlong araw bago ang ika-55 anibersaryo ng New People’s Army na itinatag noong Marso 29, 1969. BONG RIVERA