SUMALUBONG kahapon umaga sa libo-libong commuters sa lalawigan ng Laguna ang dobleng taas ng pamasahe sa jeep kahit walang taripa na aprubado ng LTFRB.
Ang inaasam na tuwa ng Laguneños sa pagkakaalis ng travel restrictions ay napalitan ng pagkadismaya dahil sa sobrang taas ng pamasahe na ipinapataw ng mga jeepney driver.
Ayon sa daan-daang manggagawa ng Laguna Science Park sa Calamba, sinamantala ng mga driver ang kawalan ng abiso o bagong reglamento galing sa LTFRB at basta na lamang umano naniningil nang walang pinagbabatayan.
Sinabi ni Michael Solis, 24-anyos, isang lider ng mga factory worker matagal na umanong ginagawa ng mga driver ang sobrang paniningil sa mga pasahero at madalas pa umanong pagmulan ng away ang naturang problema.
Aniya,hindi umano nila alam kung sa LTO o LTFRB sila hihingi ng tulong para matigil na ang sobrang taas ng pamasahe.
Sinikap na kunin ng Pilipino Mirror ang panig ng dalawang nabanggit na ahensiya ng gobyerno subalit wala umano sa kanilang tanggapan ang mga dapat sumagot sa problema. ARMAN CAMBE