MATADERO ARESTADO SA LUTONG KARNE NG ASO

ILOCOS SUR – TUMAMBAD sa mga awtoridad ang iba’t-ibang luto sa karne ng aso at buhay na aso na nakagapos ng alambre sa isinagawang buy bust ope­ration ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Animal Kingdom Foundation (AKF) sa Brgy, Lira sa bayan ng San Juan sa lalawigang ito.

Ganap na alas- 3:30 ng hapon nitong Huwebes nang masukol ang suspek sa tulong ng concerned citizen at surveillance ng CIDG-Ilocos Sur.

Kinilala ang suspen na si  Romel Bartilome Y Aquino, 54-anyos, residente sa nabanggit na lugar.

Ayon sa suspek, dahil nag-pandemic noong 2020 sinimulan na niya ang pagbebenta ng lutong karne ng aso para maitawid ang hirap ng buhay.

Ibinibenta nito sa halagang P50  bawat servings ng lutong karne ng aso.

Nakumpiska sa lamesa ng suspek ang 5 plastic bag cooked adobo, 9 plastic bag cooked dinuguan, 8 plastic bag cooked kilawin at isang kinatay na aso.

Samantala, kasong pag­labag sa R.A 8485 as amended by RA 10361 (Animal Welfare act of 2017) at RA 9482 (Anti rabies act of 2017) ang kakaharapin ng suspek.

THONY ARCENAL