MATAGAL NA RIN NA WALANG TUNAY NA FIRST FAMILY

PINANOOD  ko sa telebisyon ang inauguration ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. bilang ika-17 na Pangulo ng Pilipinas. Totoo ngang simple ngunit maganda ang pagsasagawa nito. Nagkaroon ng parade ng iba’t ibang sektor ng lipunan kasama na ang ating sandatahan. Makikita natin ang taos pusong pasasalamat ni Pangulong Bongbong Marcos o PBBM sa lahat ng mga ordinaryong mamamayan na dumaan sa harap niya na nagwawagayway ng bandila ng Pilipinas. Nakakatuwa.

Subalit ang mas nakakatuwa ay ang makita ko ang pamilya ni PBBM na kasama niya sa entablado na saksi sa mga pangyayari. Nandoon si First Lady Liza Araneta Marcos at ang kanilang mga anak na si Sandro, Simon at Vincent.

Matagal na rin tayong hindi nagkaroon ng tinatawag na ‘official first family’. Ang huling nagkaroon tayo nito ay noon si Pres. Gloria Macapagal Arroyo. Ito rin ang panahon na nagkaroon ng tinatawag na ‘First Gentleman’. Dahil dalawa lamang sa kasaysayan ng ating bansa na nagkaroon tayo ng babae bilang pangulo ng Pilipinas. Ang una ay si President Corazon Aquino, ngunit biyuda na siya nang siya ay naluklok bilang pinuno ng ating bansa.

Sa labing dalawang taon, wala tayong matatawag na ‘First Family’. Si Pres. Noynoy Aquino ay binata nang siya ay mahalal bilang pangulo ng ating bansa. Ganun din siguro ang masasabi natin sa kakatapos lamang ng kanyang termino na si Pres. Rodrigo Duterte. Hindi talaga masasabi na may ‘official first family’ si Pangulong Duterte. Dahil hiwalay siya sa una niyang asawa na si Elizabeth Zimmerman na nagkaroon sila ng tatlong anak. Si Rep. Polong, Vice President Inday Sara at Davao City Mayor Baste.

Kaya naman, nakakatuwang tingnan na mayroon na naman tayong tunay na First Family. Makikita pang magkaholding hands pa ang mag asawa sa lahat ng pagkakataon na magkasama sila. Pero hindi matatawaran ang galing at karunungan ng ating First Lady na si Liza Araneta Marcos o si LAM.

Isa siyang “abogada de campanilla’. May kilala at sikat na law firm ang ating First Lady. Kasama siya sa MOST Law Firm na binubuo ng mga kilalang abogado na sila Marcos, Ochoa, Serapio at Tan.

Kaya naman hindi kataka taka na may maiaambag na karunungan ang ating First Lady kay PBBM kasabay ng pag-iingat na hindi magiging salungat o magkaroon ng ‘conflict of interest’ sa kanilang law firm.

Doon pa lamang sa talumpati ni PBBM, naantig ang aking puso at damdamin na bukas ang kanyang puso sa pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat Pilipino sa hamon ng mga problema na ating kinakaharap.