(Ni CS SALUD)
SA PAGTUNGO sa iba’t ibang lugar, bukod sa pagsakay sa eroplano, isa pang option upang marating natin ang ating destinasyon ay ang pagbiyahe sakay ng sariling sasakyan.
Marami sa atin ang sinusubukang bumiyahe by land. Dahil may kotse naman ang marami, mas pinipili nilang magdala ng kotse o bumiyahe gamit ang sariling kotse sa pagbabakasyon lalo na kung kaya namang marating ang lugar gamit ang kotse.
Kunsabagay, exciting din naman ang bumiyahe sakay ng sariling sasakyan. At dahil exciting at masaya ang pagro-road trip kasama ang pamilya at mga kaibigan, narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang nang maging safe at komportable sa mahabaang pagmamaneho:
MATULOG NANG MAAYOS BAGO ANG PAGMAMANEHO
Hindi maiiwasang maging excited tayo kapag may pupuntahang lugar. Bago pa lang ang pag-alis o ilang araw pa lang bago tayo mag-road trip, inihahanda na natin ang mga gagamitin at kakailanganin natin sa gagawing activity.
Siyempre, gusto nga namang maging smooth ang ating pagmamaneho gayundin ang pagbiyahe. Inihahanda rin natin ang gagamiting sasakyan. Tsinitsek natin mula sa gulong, brake, seat belt, gasolina at kung ano-ano pa.
Ngunit hindi lamang gagamiting sasakyan ang dapat nating ikondisyon. Hindi lamang din mga kakailanganin sa pag-alis o pagbiyahe ang kailangan nating isaalang-alang. Mahalagang nabibigyan natin ng pansin ang ating mga sarili.
Kumbaga, dahil tayo ang magmamaneho, nararapat lamang na bago natin ito gawin ay may sapat tayong pahinga nang masiguro ang kaligtasan ng ating pamilya o mga kasama sa gagawing pagbiyahe.
Sabihin mang sobrang excited sa gagawing activity, importante pa ring bago ang itinakdang araw ay nakapagpapahinga ng mabuti. Kung nakatulog at nakapahinga kasing mabuti ay maiiwasan nito ang aantok-antok na diwa. Makapag-iisip din ng mabilis ang isang taong may hawak ng manibela kung may sapat itong tulog o pahinga.
MAGBAON NG MGA VITAMIN-PACKED FOOD
Sa mahabaang biyahe, napakahalaga rin ng pagbabaon ng mga makakain o meryenda. At isa sa dapat na baunin ay ang mga healthy na vitamin-packed food.
Para maging alerto nga naman, kailangang may makakain ka sakaling kumalam ang sikmura. At mga healthy food ang kailangan mong baunin, para mapanatili ring healthy ang katawan habang bumibiyahe.
Kadalasan kasi, lalo na kung wala tayong dala o baong pagkain o meryenda ay napipilitang mag-stop over sa mga fast food para kumain o bumili ng makakain.
Abala rin kasi kung minsan ang pag-stop over sa mga fast food. Hindi ka rin nakasisigurong safe at healthy ang mabibili mong pagkain.
Kaya mainam talaga ang pagbabaon ng mga vitamin-packed food para maging handa sakaling magutom at manatiling alerto ang isipan.
Kung may panlaman sa tiyan, huwag din siyempreng kaliligtaan ang tubig. Magbaon ng maraming tubig nang mapanatiling hydrated ang katawan.
UMUPO NANG MAAYOS
Umupo rin ng maayos habang nagmamaneho. Oo nga’t mas mahirap ang trabaho ng taong may hawak ng manibela kaysa sa mga kasamahan nitong komportableng nakaupo.
Gayunpaman, puwede ka pa rin namang maging komportable habang nagmamaneho sa pamamagitan ng pag-upo ng maayos. Siguraduhing bago ang pagmamaneho, naka-adjust ang upuan ng tugma sa iyong katawan nang hindi mahirapan.
MAGPATUGTOG NG MUSIKA NANG MAWALA ANG BAGOT
Hindi lamang traffic ang nagiging dahilan ng pagkabagot, gayundin ang matagalan o mahabaang pagmamaneho.
Sabihin mang hindi traffic pero kung matagal ka namang makararating sa pupuntahang lugar dahil na rin sa layo nito, makadarama ka rin ng bagot.
At para maibsan ang nadaramang bagot, hindi lamang nang nagmamaneho gayundin ng mga kasama, mainam kung magpapatugtog ng magagandang musika.
PLANUHIN KUNG KAILAN AT SAAN MAGPAPAHINGA
Siyempre, nakangangalay rin naman ang magmaneho ng matagalan. Kaya naman, mainam din kung paplanuhin at pag-uusapan kung saan at kailan kayo titigil upang makapagpahinga at makapag-inat-inat.
Paniguradong maraming nagpaplanong magbakasyon ngayong paparating na summer. Sa mga taong mas piniling magdala ng sasakyan sa pupuntahang lugar, maging maingat at alerto.
Higit sa lahat, huwag lamang ang kakailanganing mga gamit o bagay ang ihanda kundi maging ang sarili at sasakyang gagamitin sa mahabaang biyahe.
Comments are closed.