(Matagumpay na state visit ni PBBM sa China pinuri)CHINESE FIRST COUPLE PINABIBISITA SA PINAS

SA NAGING state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa China kamakailan, bukod sa napalakas nito ang ugnayan ng Pilipinas sa naturang bansa lalo na sa larangan ng negosyo at kalakalan, naipaabot din ng una ang imbitasyon para kina Chinese President Xi Jinping at First Lady Peng Liyuan na bumisita rito.

Ito ang ipinabatid ni Speaker Martin Romualdez, kasunod ng pagbibigay papuri sa, aniya’y, “highly successful” state visit na ito ni Presidente Marcos sa China, na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng maraming positive engagements sa pagitan ng Manila at Beijing.

“President Marcos was able to personally convey to President Xi Jinping the concerns of the Filipinos — including fishery and maritime claim issues — in an atmosphere of mutual respect and equality,” sabi pa ng lider ng Kamara

“And that’s why this state visit was so successful because we could see the rapport, the personal exchanges between the two presidents,” dugtong ni Romualdez.

Ayon pa kay Romualdez, maituturing na maganda at mahusay na inisyatibo rin ang ginawa ng Punong Ehekutibo na anyayahan nito ang Chinese couple na bumisita rin sa Pilipinas.

Ito’y bilang pagtanaw o pasasalamat din, aniya, ni Pangulong Marcos sa mainit na pagtanggap sa kanya at ng kanyang deligasyon ng Chinese first couple sa pagbisita niya sa Beijing.

Si Speaker Romualdez ay kasama sa delegasyon ng Pilipinas sa China kung saan kanyang personal na naobserbahan ang magandang pakikitungo sa isa’t isa nina Marcos at President Xi Jinping, gayundin ng kani-kanilang first lady.

Samantala, inihayag ng Leyte lawmaker na bukas ang liderato ng Kamara sa pagkakataon na mapag-ibayo ang ugnayan sa pagitan ng Kongreso ng Pilipinas at ng China.

ROMER R. BUTUYAN