MATAKOT SA DIYOS

MASAlamin

Ang isang bansang walang takot sa Diyos ay nahaharap sa pagkagunaw at kamatayan. Anumang talino ay hindi matatawag na katalinuhan bagkus ay pawang kapalaluan lamang kung hindi nag-uugat sa takot sa Diyos. Lubhang napakahalagang pag-aralan ang takot sa Diyos dahil dito umuusbong ang totoong katalinuhan at kaalaman. Maaa­ring itrato itong malasiyensiya bagama’t higit sa siyensiya. Mismong konsensiya ay kinikilala ang Diyos.

Napakaraming batas ng Filipinas at patuloy na lumilikha pa tayo ng napakarami pang batas ngunit paulit-ulit na lamang na ang mga suliranin natin sa pamayanan na resulta ng krimen ay nagaganap sa ating kalagitnaan, maaaring lumalala pa nga. Mga nakaririmarim na krimen ay ibinabandera sa mga pahayagan, radyo at tele­bisyon.

Nagiging inutil na ba ang mga relihiyon at hindi na mapasunod ang mga tao sa maayos na landas? Oras-oras ay may pinapaslang sa ating kalagitnaan. Marami ang pinapatay sa ngalan ng relihiyon. Ang tero­rismo halimbawa na halimaw na nilikha ng dahas at pagpatay sa mga lahi at mga taong iba ang paniniwala ay kumikitil ng libo-libong buhay sa buong daigdig. Sa Filipinas mismo ay dinaranas na ang kilabot ng tero­rismo.

Ginagamit ang ngalan ng Diyos sa pagpatay, ang pangangailangan sa langis ay ginagamit upang yurakan ang karapatan ng mga tao sa kanilang sariling bansa, may bansang humihingi ng pagkilala ay guma­gamit ng mga missile na pampuksa ng kapwa-bansa, pinapatay ang mga tribo dahil sa yaman ng kanilang lupain, dahil sa kasaysayan, dahil sa pagkakaiba ng paniniwala. Nabibilaukan na ang lupa sa walang katapusang pagdanak ng dugo. Kapag ineksamin natin ang mga paggalaw na ito lumalabas na may-aral naman ang mga taong nasa likod ng mga pagpatay. Hindi lamang edukasyon ang susi, kundi higit sa lahat: ang takot sa Diyos.

Sa ating bansa na lamang mas nananaig ang kalakaran kaysa takot sa Diyos, animo’y hindi sila nakikita sa kanilang pinaggagawa. Hindi nga ba? Ilang taong nakilala natin sa lipunan ang lubos na nagpayaman sa sakripisyo ng kapwa ngunit nasa lupa pa sila ay siningil na sila ng Diyos, hindi nila napakinabangan ang kaya­manang inangkin nila sa pamamagitan ng pandaraya at pang-aabuso sa kapangyarihan.

Ang takot sa Diyos ang susi para sa isang maayos na bansa, isang kaaralan na dapat matutunan ng mga Filipino at maisalin sa mga susunod na mga heneras­yon ng Filipino, upang maisaayos ang ating bansang matagal-tagal na ring pinagdamutan ng panahon.

Comments are closed.