PAANO kung isang araw ay magising ka na lang na wala nang koryente o anumang enerhiya kung saan nakadepende ang lahat ng iyong mga gawain at pangangailangan? Naisip mo ba na posibleng dumating ang araw na tuluyan nang mawalan ng suplay ng enerhiya ang mundo? Ano ang gagawin mo kung mangyari ito? Alam mo bang may magagawa ka upang makatulong?
Aminin man natin o hindi, sa panahon ngayon ay ramdam na natin ang patuloy na pagbabago ng panahon. Ang pagbabago ng klima, kung saan nagdudulot na ng negatibong epekto sa pananim, mga alagang hayop, kabuhayan at sa tao ang matinding init tuwing tag-araw, gayundin ang malakas na mga bagyo.
Kasabay ng pagkasira ng ating kalikasan ang pagkaubos ng ating likas na yaman. Apektado ito ng kapabayaan at kakulangan ng malasakit sa kapaligiran. Kaya upang maiwasang mangyari ang lubos nating kinatatakutan, alamin ang ilang bagay na maaari nating isaalang-alang sa bawat araw ng ating gawain.
Ngayon, marami nang mga kompanya at iba’t ibang sektor ng gobyerno ang nagsusulong ng kampanya sa paggamit nang wasto sa enerhiya. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ng dagdag na kaalaman ang mga konsyumer kung papaano makatitipid sa bayarin.
Narito ang ilang paalala para sa matalinong paggamit ng enerhiya.
MAKATIPID SA BADYET
Makababawas nang malaki sa kinokonsumong badyet ang paggamit ng mga tinatawag na ‘energy efficient appliances.’ Sinasabing makatitipid ng mula lima hanggang 30% sa paggamit ng mga ito dahil kumokonsumo ito ng mas mababang enerhiya habang ginagamit nang hindi naaapketuhan ang kalidad ng serbisyo o kinakailangang output.
Bukod dito, makatutulong din ang simpleng pagtanggal sa saksakan ng mga kagamitang de koryente kapag ito ay hindi na ginagamit. Isa ang ilaw sa pinakamadalas nating gamitin na bumibilang sa mahigit na 20% ng ating electric bill. Kaya makatutulong din ang wastong pagpili ng ilaw na gagamitin sa loob at labas ng bahay, maging sa opisina o malalaking gusali. Mas mabuting gumamit ng low wattage na mga ilaw sa mga lugar na hindi naman nangangailangan ng sobrang liwanag. Palitan na rin ang mga compact fluorescent lamp (CFL) at incandescent bulb o dilaw na ilaw ng LED lights (Light-Emitting Diodes) dahil kahit na mas mahal ang LED light kapag binili, tinatayang mas makatitipid ka naman ng mahigit sa 80% halaga sa kinokonsumo ng iyong ilaw at mas tumatagal din ang buhay nito ng lima hanggang 10 beses kaysa pangkaraniwang bombilya.
PANGANGALAGA SA KALIKASAN
Alam nating lahat na sa bawat pagtitipid sa paggamit ng enerhiya ay nakatutulong tayo upang mapangalagaan ang ating kalikasan, partikular na ang pagbawas sa negatibong epekto ng polusyon.
Ang pagtiyak na maayos ang kondisyon ng ating mga sasakyan ay malaking tulong sa pagsugpo ng polusyon. Tandaan, hindi lamang ang mga nangangasiwa sa pampublikong transportasyon ang may responsibilidad nito.
Maging ang pagsunod sa segregasyon ng ating mga basura, gayundin ng pag-aayos nito hanggaang sa makolekta upang maitapon ay malaking ayuda sa pangangalaga ng ating kalikasan.
AYUDA PARA SA EKONOMIYA
Ang wastong paggamit ng enerhiya sa pamayanan ay posibleng magdulot din ng ayuda sa ekonomiya ng bansa. Ang matitipid na badyet ay maaari pang ilaan sa ibang pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng proyekto para sa kalusugan, edukasyon at seguridad. Nakatutulong din na magkaroon ng oportunidad sa trabaho ang mga tinatawag ngayon na ‘energy efficiency projects’ tulad ng mga pagawaing bayan.
Samantala, ang usapin ng pagtitipid ay nagbubukas din ng pagkakataon sa iba’t ibang kompanya upang higit pang pagbutihin ang kalidad ng kanilang mga produkto na makatutulong sa bawat konsyumer. Ang mga negosyo ay nagsulong ng inobasyon sa bawat produkto, mula sa simpleng ilaw, appliances at iba pang kagamitan sa paggawa.
SUPORTA SA PAMBANSANG SEGURIDAD
Nakaatang sa pamahalaan ang pagkilos upang tiyakin ang pagkakaroon ng matatag na seguridad sa suplay ng enerhiya, bilang isa sa mga krusyal na elemento para sa ‘economic growth and development’ ng bansa. Subalit, ang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya mula sa loob ng ating tahanan hanggang sa paaralan at trabaho ay makatutulong na mabawasan ang pangangailangan natin dito na karaniwang inaangkat pa sa ibang bansa.
Nababawasan din nito ang gastusin ng pamahalaan sa pagpapanatili ng seguridad ng ating international energy interest.
KALIDAD NG PAMUMUHAY
Mas tumataas ang tiyansa ng kalidad sa ating pamumuhay sa pamamagitan ng matalinong paggamit at pagmamalasakit sa enerhiya.
Ang pagsasagawa ng ‘energy efficient measures’ sa loob mismo ng ating tahanan ay makatutulong upang mabawasan ang panganib na dulot ng ‘indoor air pollution’ mula sa iba’t ibang mga bagay at kagamitan sa araw-araw sa ating kalusugan. Gayundin, nakababawas ito sa contributing factors ng stress at mas mae-enjoy natin ang pananatili sa ating tahanan.
Samantala, mahalaga rin ang pagsinop sa paggamit ng mga de koryenteng kagamitan sa loob ng ating tahanan tulad ng hair dryer, blower, plantsa, microwave refrigerator at aircon na naglalabas ng mapanganib na karbon na banta maging sa ating kalusugan. Sa buong mundo, sinasabing ang konsumo ng enerhiya sa kabahayan ay isa sa may malaking kontribusyon sa emisyon ng greenhouse gas na nakaaapekto sa paglala ng climate change.
Maging matalino at malikhain sa paggamit ng iba’t ibang uri ng enerhiya nang sa gayon ay hindi lamang ang kasalukuyang henerasyon ang makinabang, kundi maging ang hinaharap. Matutong magtipid at isaalang-alang palagi ang kapakanan ng pamilya, kapuwa at kapaligiran para sa isang maliwanag na buhay sa ating lahat.
Comments are closed.