MATAMIS NA TAGUMPAY

SA KANYANG pagbabalik sa PBA ay muling itinanghal na kampeon si multi-titled coach Chot Reyes.

Iginiya ng five-time Coach of the Year ang TNT Tropang Giga laban sa Magnolia Pambansang Manok Hotshots, 94-79, sa Game 5 ng kanilang best-of-seven 2021 PBA Philippine Cup Finals series, Biyernes ng gabi para kunin ang korona.

Ibinigay ni Reyes ang kredito sa kanyang tropa na, aniya, ay siyang nagtrabaho nang husto para pawiin ang anim na taong pagkauhaw sa titulo.

“I have to give this to the players, they really put in the effort and stayed together throughout the adversity,” ani Reyes.

“This is a great reward for their hardships.”

Nakopo rin ng Tropang Giga ang All-Filipino crown sa unang pagkakataon magmula noong 2013, nang walisin nito ang Rain or Shine sa 2013 edition.

Tinuldukan din ng TNT ang dominasyon ng SMC team sa All-Filipino Conference makaraang pagharian ng San Miguel, Magnolia, at Ginebra ang huling pitong edisyon ng Philippine Cup.

Para sa TNT ay matamis ang kanilang tagumpay dahil hindi naging madali ang pagsungkit nito.

Ilang laro ring nawala si veteran Kelly Williams sa playoffs makaraang isailalim siya sa safety at health protocols ng liga.

Muntik na ring mawala sa TNT si Troy Rosario dahil sa finger injury matapos ang ‘bad fall’ sa Game 3 ngunit naglaro ang maaasahang forward sa kanilang 106-89 panalo sa Game 4.

Kinuha rin ng Tropang Giga ang Game 1 sa 88-70, at Game 2 sa 105-93.

Napantayan ng Tropang Giga ang record ng Hotshots bilang second winningest team sa all-Filipino na may anim na kampeonato.

Ang TNT ay isa na ngayong eight-time PBA champ overall — lima sa naturang title runs ay natamo sa ilalim ni Reyes.

Inialay ni Reyes, ngayo’y six-time Philippine Cup winner, ang kanyang  latest championship sa kanyang pamilya at sa team management.

“I’d like to dedicate this to our families and everyone back home. We dedicate this to our management who has been very patient through the years.” CLYDE MARIANO