NAGKAROON ng mga pagdududa kung malulusutan ng Creamline ang pagkawala ng kanilang vital cogs mula sa nakaraang championship runs makaraang matalo sa PLDT sa kanilang conference opener.
At nariyan ang Akari na pumasok sa Premier Volleyball League Reinforced Conference Final na may perfect 10-0 record at nakaambang makamit ang breakthrough.
Subalit sa huli ay nanaig ang Cool Smashers at ipinalasap sa Chargers ang unang kabiguan nito upang makopo ang record-extending ninth championship.
“I think it is about not how you started but it is how you finish. I think, we finished very strong. I think we learned lot from that first loss,” wika ni outside spiker Erica Staunton.
Ang Creamline ay walang pagsidlan ang kaligayahan makaraang sementuhan ang status nito bilang pinakamatagumpay na koponan sa kasaysayan ng PVL.
Bago ito, ang tanging pagkakataon na nagkampeon ang Cool Smashers sa isang import-laced tournament ay sa kanilang kauna-unahang PVL title sa 2018 Reinforced Conference sa likod nina Thai Kuttika Kaewpin at American Laura Schaudt. Bahagi rin ng champion team sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao at Risa Sato.
Pagkalipas ng anim na taon, winakasan ng Creamline ang kanilang heartbreaks nang patunayan na kaya nilang mangibabaw sa pinakamalaking entablado ng liga na may reinforcements, salamat kay young American Staunton.
Isang malaking rebelasyon din si do-it-all Bernadeth Pons nang makopo ang conference at Finals MVP awards.
Sa pagkawala ni Jema Galanza dahil sa Alas Pilipinas commitments, nagawang punan ni Pons ang butas nang magprodyus ng solid all-around numbers sa preliminaries at sa pagiging clutch sa semifinals.
Ang pagkawala ng key players ay tunay na nagdulot ng pagdududa sa kakayahan ng Creamline na harapin kapwa ang internal at external challenges.
Subalit sa unti-unting pag-aadjust ni Staunton sa sistema ng koponan at sa pag-step up ni Pons sa crucial leadership role, ipinamalas ng Cool Smashers ang kanilang lalim sa ilalim ng sistema ni coach Sherwin Meneses.
Batid ni Meneses na alam ng kanyang players ang dapat gawin at tiwala siyang magagawa nila ito sa court.
“Every championship is special,” wika ni Meneses. “But this one stands out because we were missing a lot of key players. Despite that, our team worked incredibly hard and still managed to secure the title.”
“Each championship is special, but this one, in particular, showed just how much grit and determination this team has.”
Makaraang ipagdiwang ang kanilang tagumpay sa Reinforced Conference, ang Creamline ay agad na babalik sa aksiyon kontra Thailand’s EST Cola, isang koponan na binubuo ng U20 standouts, ngayong alas-4 ng hapon sa Santa Rosa Multipurpose Sports Complex.