MATAPANG BA SI CATAPANG?

SIMULA  nang pumutok ang issue sa pagpaslang kay radio broadcaster Percy Lapid, halos ang buong sambayanan ay sinubaybayan ang mga yugtong sumunod sa patuloy na imbestigasyon ng nagsanib puwersa na DILG, DOJ, PNP at NBI. Kinalaunan ay nagkaroon na ng konklusyon kung sino ang mastermind at mga kasabwat sa nasabing krimen.

Ang sinuspindeng hepe ng BuCor na si Gerald Bantag ang hinininalang ‘mastermind’ sa pagpatay kay Lapid. Nang pumutok ang balitang ito, pinalitan agad si Bantag ni dating AFP Chief of Staff Ret. Gen. Gregorio Catapang bilang OIC ng BuCor.

Sumunod dito ay ang mga maaanghang na salita at paratang ni Bantag laban kay Catapang. Maliban kay Catapang, pati ang boss ni Bantag na si DOJ Sec. Remulla ay hindi rin nakatakas sa mga matalas na salita ni Bantag.

Ang mga walang habas na akusasyon ni Bantag laban kina Catapang at Remulla ba ay patunay na matapang si Bantag? Teka, kung akala ninyo na si Catapang ay hind matapang, nagkakamali kayo.

Tulad ng isang aso, ang malakas kumahol ay hindi nangangahulugan na matapang ito. Kung minsan, ang sobrang pagtahol ng aso ay pagpapakita ng takot. Ang tao na masyadong malakas sa salita sa isang argumento ay maaaring patunay na pinagtatakpan ang isang kasalanan.

Kung minsan, mas mag-ingat pa tayo sa mga tao na hindi masyado masalita sa isang pagtatalo. Wala na silang masyadong salita. Tinutuluyan na lang nila.

Si Ret. Gen. Catapang ay hindi masyadong masalita. Subalit kung titignan ninyo ang kanyang karanasan noong siya ay nagbigay serbisyo sa ating hukbong sandatahan, walang takot na nakipagsagupaan siya sa mga rebelde.

Obserbahan ninyo mabuti ang mukha ni Catapang, makikita ninyo na may mga peklat sa kanyang mukha, mga patunay ito ng mga engkwentro niya sa digmaan. Siya ay nagsilbi sa Philippine Army noong kasagsagan ng mga NPA sa lalawigan ng Pampanga at sa mga lalawigan ng Visayas. Ilang beses niya naranasan ang kasabihang ‘nasa bingit ng alanganin’. Marami sa kanyang mga mistah at tauhan na sundalo ang nasawi sa mga engkwentro laban sa mga rebelde. Handa siya magbuwis ng buhay alang alang sa bayan.

Malayo ito sa karanasan ni Bantag na ang ginawa ay bantayan ang mga preso. Nagtapos si Bantag sa PNPA noong 1996. Naging warden siya sa mga bilangguan ng Valenzuela, Navotas, Malabon, Manila at Parañaque. Naging regional director siya ng BJMP para sa Mimaropa bago siya itinalaga bilang director general ng BuCor.

Noong naglingkod si Catapang bilang AFP Chief of Staff, palagi niyang idinidiin sa lahat ng mga kawal ang AFP slogan na “Kawal DISIPLINADO, bawal ABUSADO, dapat ASINTADO”. Para kay Catapang, ito ang mga katangian ng isang tunay na sundalo. Para kay Catapang mahalaga ang mga salitang ito sa mga dapat at hindi dapat gawin ng isang sundalo na nanunungkulan para sa bayan.

Ang mga medalya at pagkilala sa mga nagawa ni Catapang sa ating bayan bilang isang sundalo ay hindi matatawaran. Sa madaling salita, may integridad si Catapang. Kaya naman ako ang napapailing sa mga dahilan ni Bantag na walang katotohanan ang mga natuklasan na mga katiwalian at mga kwestiyonableng kalakaran ni Catapang sa BuCor.

At kung sa tapang at tapang lang, i-Google na lang ninyo ang karanasan nina Bantag at Catapang. Malinaw kung sino ang tunay na matapang sa kanilang dalawa.