KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) ang naitalang bagong kaso ng polio.
Sa kabila ito ng pagiging polio free na ng Filipinas sa nakalipas na 19 na taon.
Ayon sa DOH, ang polio ay isang nakahahawang sakit na ang ilan sa mga sintomas ay lagnat, panghihina ng katawan, pag-susuka, paninigas ng leeg, pangangalay ng mga kamay at paa.
Sinasabi na maaaring mauwi ito sa pagkaparalisa o pagkamatay ng pasyente.
Tinukoy ng DOH na isang batang babae na tatlong taong gulang mula sa Lanao del Sur ang tinamaan ng nasabing virus.
Gayundin, kinakitaan din ng polio virus ang water sample na nakuha sa ilang kanal sa Metro Manila at Davao City.
Ipinaliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III na wala pang gamot na nadidiskubre laban sa polio at tanging ang bakuna pa rin ang pinakamabisang paraan para maiwasan ang nasabing sakit.
Dahil dito, pinag-aaralan na rin ng DOH ang paglulunsad ng isang malawakang vaccination program laban sa polio.
“A single confirmed polio case of vaccine-derived polio virus type 2 or two positive environmental samples that are genetically linked isolated in two different locations is considered an epidemic in a polio-free country,” ayon sa DOH.
Matatandaang nagbabala ang DOH na posibleng bumalik ang polio sa bansa lalo’t bumaba ang mga nagpapabakuna laban sa sakit noong nakaraang taon.
Sa datos ng DOH, nasa 66 porsiyento lamang ng target population ang nagpabakuna ng third dose ng oral polio vaccine (OPV).
Subalit, nasa 95 porsiyento ang kailangan para masigurong protektado ang mga Filipino laban sa polio.
Nabatid na bumaba rin ang bilang ng mga nagpapabakuna sa bansa na may kaugnayan sa pangamba ng publiko sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia, na nagdudulot umano ng masasamang epekto sa mga hindi pa nagkakaroon ng dengue na nababakunahan nito.
Dahil dito, nanawagan si Duque sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak kontra sa sakit.
Comments are closed.