DAHIL hindi na bata at mahaba na ang pinagdaanan sa weightlifting na nagbigay sa kanya ng maraming karangalan, sinabi ni Brazil Olympic silver medallist at Asian Games gold medallist Hidilyn Diaz na magreretiro na siya matapos ang pagsabak sa 2019 Southeast Asian Games at sa 2020 Tokyo Olympics.
“Hindi na ako bata. It’s high time to leave weightlifting at bigyan ang mga bata ng pagkakataon na lumaban sa labas,” wika ni Diaz, 27.
Aniya, gagawin niya ang lahat para muling mabigyan ng karangalan ang bansa.
“Pipilitin kong manalo at ayaw kong biguin ang aking mga kababayan na umaasa at nananalangin para sa aking tagumpay,” wika ni Diaz.
Sinabi ng anak ng isang tricycle driver na taga-Zamboanga na lalahok siya sa mga qualifying para makapaglaro sa 2020 Tokyo Olympics.
“Back to zero ako. Kailangang makapasa ako sa mga qualifying competition para maka paglaro sa Tokyo Olympics,” ani Diaz.
Kamakailan ay sumabak si Diaz sa World Weightlifting na ginawa sa Turkmenistan matapos manalo sa Asian Games.
“Regular ang ensayo ko, morning and afternoon to keep me in top form. Sa umaga ay jogging at pagbuhat ng barbell sa after-noon. Kailangan ang jogging para gumana lahat,” ani Diaz.
Lalahok si Diaz sa 53 kilograms na kanyang dinomina sa Asian Weightlifting, Asian Games, SEA Games, ASEAN Weightlifting, at Asian Indoor Games and Martial Arts. CLYDE MARIANO
Comments are closed.