NAIS pag-aralan ng ilang awtoridad ang pagbawi ng taas-pasahe na nakatakdang magsimula sa Biyernes dahil sa sunud-sunod na rollback sa presyo ng langis, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation.
Ayon kay Transportation Undersecretary Mark de Leon, posibleng repasuhin ang ibinigay na dagdag-pasahe sa jeep at bus bunsod ng sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Kapag wala nang nakitang dahilan para sa dagdag-singil, posibleng amiyendahan ng ahensya ang desisyon ng LTFRB, na nasa ilalim ng DOTR.
Ayon naman kay Transportation secretary Arthur Tugade, dapat gumamit ng formula ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magiging basehan ng pagpataw ng fare hike, gaya ng fare matrix na ginagamit sa mga paliparan na batayan ng presyo ng fuel surcharge.
“Ang presyo ng gasoline, ‘pag tumaas per barrel, o ‘yung consumer price index tumaas per barrel, magtaas ka at a certain amount. ‘Pag bumaba, automatic ibaba mo rin. ‘Pag hindi ka sumunod, may penalty,” sabi niya.
Dagdag niya na mga fare matrix imbes na petisyon ng mga grupo ang dapat isinasailalim sa mga deliberasyon.
Nagbabadya ngayong araw ang P10 minimum fare sa jeep, mula sa P9 pansamantalang minimum fare na ipinataw dulot ng siyam na sunod-sunod na linggong pagtaas ng presyo ng langis.
Mayroon ding P1 dagdag sa presyo ng pasahe sa bus, na magsisimula rin sa Biyernes.
Tatlong sunod-sunod na linggong rollback ang naitala nitong Oktubre.
Comments are closed.