(Matapos ang dalawang dekada) ABU SAYYAF GROUP GUILTY SA KIDNAPPING

MATAPOS ang higit dalawang dekada, nagtagumpay ang Department of Justice (DOJ) sa kaso laban sa mga lider at miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na responsable sa pagdukot ng 21 katao mula sa Malaysia noong 2000 at pinanatiling bihag sa loob ng ilang buwan sa Lalawigan ng Sulu sa katimugang Pilipinas.

Sa 157-pahinang desisyon na inilabas ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 153 noong Oktubre 16, idineklara ni Judge Mariam Bien na 17 akusado ang nagkasala sa 21 kaso ng kidnapping at serious illegal detention na may ransom.

Pinatawan ng parusang reclusion perpetua ang mga ito para sa bawat kaso.

Matatandaang noong Abril 2000, dinukot ng mga ito ang mga dayuhan na may iba’t-ibang nasyunalidad sa isang resort sa Sipadan Island, Malaysia.

Ang mga biktima ay mga turistang Aleman, Finnish, South African, Lebanese at Pranses habang ang iba pa ay Malaysian at Pilipino na nagtatrabaho sa resort.

Dinala ang mga biktima sakay ng bangka patungong Talipao sa Sulu at ikinulong sa kabundukan ng Jolo habang ang ASG ay humingi ng ransom mula sa pamilya ng mga bihag at sa gobyerno.

Pinalaya ang mga bihag sa loob ng ilang buwan matapos mabayaran ang mga ransom.

Karamihan sa mga pinuno ng ASG, tulad nina Galib Andang a.k.a. “Commander Robot” at Nadjmi Sabdulla a.k.a. “Commander Global” ay nadakip at inusig agad pagkatapos ng insidente ngunit ang mga ito ay namatay sa isang tangkang pagtakas sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City noong 2005.

Kabilang sa 17 nahatulan ang mga indibidwal na nakalista sa Sanctions List ng United Nations Security Council tulad nina Hilarion del Rosario Santos III a.k.a. Ahmed Islam Santos at Redendo Cain Dellosa.

Si Santos ay tagapagtatag at pinuno ng Rajah Solaiman Movement (RSM), samantalang si Dellosa ay isa pang lider ng RSM.

Ipinatong sa kanila ng UN Security Council noong 2008 ang mga paratang dahil sa pakikipag-ugnayan sa Al-Qaida ni Osama bin Laden, sa Taliban at sa pagsali sa mga gawaing konektado sa Abu Sayyaf Group, Jemaah Islamiyah at Rajah Solaiman Movement.

Noong 2020, ang Anti-Terrorism Council ay nagpatibay sa nasabing Sanctions List ng UN at opisyal na idineklara ang Abu Sayyaf Group bilang isang teroristang organisasyon.

Pinasalamatan ni Justice Secretary Crispin Remulla si Senior Deputy State Prosecutor (SDSP) Hazel C. Decena-Valdez sa kanyang dedikasyon at tiyaga na nagbunga ng pagkakakulong ng mga notoryus na terorista.

“Your devotion, courage and relentless efforts to pursue justice by all means is truly astonishing. Thank you for being a testament that justice will never be denied regardless of who or how strong the enemy may seem. Your resilience has indeed withstood the forces of terror and oppression which serve as an inspiration to us all” ani Remulla.

RUBEN FUENTES