(Matapos ang deadline) 36,217 PUVs UNCONSOLIDATED

MAY kabuuang 36,217 public utility vehicles (PUVs) at 2,445 ruta ang nananatiling unconsolidated matapos ang deadline sa ilalim ng  PUV modernization program ng pamahalaan, ayon sa datos na inilabas ng Department of Transportation (DOTr) kahapon.

Sa pagdinig ng House committee on transportation, sinabi ng DOTr na 81.11% o 155,513 ng 191,730 PUV units ang consolidated. Para sa ruta, 74.32% lamang o 7,077 ng 9,522 ang nagpa-consolidate.

Ang consolidation ng individual PUV franchises sa mga kooperatiba o korporasyon ang initial stage ng modernization program.

Nanawagan si Rizal Rep. Jose Arturo Garcia Jr. sa  DOTr na payagan ang nalalabing 19% ng PUVs na hindi nagpa-consolidate na ipagpatuloy ang kanilang operasyon.

“‘Yung ibang ‘old school’, hindi pa nila kayang tanggapin ‘yan kaya marami pang hindi sumusunod e…Sabi ko kay DOTr, aralin ninyo baka puwede naman ‘yung ayaw talaga, iyong mga hardliner, payagan na natin,” aniya.

Para kay Garcia, dapat hayaan ng DOTr ang mga unconsolidated jeepney operator at driver na mapagtanto sa kanilang sarili ang mga posibleng benepisyo ng paglahok sa programa sa halip na pilitin ang mga ito.

“‘Yung hindi nagpapuwersa, iyan ‘yung bigyan natin ng chance. Kaunti na lang iyan. Bigyan natin ng [provisional authority], temporary prangkisa isang taon…In the long run, ma-appreciate niyan na maganda ang programa ng gobyerno,” dagdag pa niya.

Tinanggap naman ni DOTr Undersecretary Ferdinand Ortega ang suhestiyon ni Garcia..

Ayon kay Ortega, ang anumang suhestiyon mula sa Kongreso ay lagi nilang tinatanggap at pinakikinggan.