UMABOT ng halos dalawang dekada na non-operational sa public transport, muling binuksan ng Provincial Government ng Albay ang Pantao Port sa Brgy. Pantao sa bayan ng Libon nitong Huwebes, Agosto 29.
Ang muling pagbubukas ng pantalan ay inaasahang magdudulot ng magandang ekonomiya para sa lalawigan, magbibigay ng lokal na trabaho at magpapalakas ng ugnayan sa mga kalapit na pantalan at isla, partikular sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Joepet Fernandez, Punong Barangay ng Pantao, muling ikinonsidera ang pagbubukas ng pantalan dahil sa tatlong rason.
Una, sa natural nitong harbor na may malalim na dagat na madaling makadaong ang malalaking sasakyang pandagat.
Pangalawa, napaka-stratehikong lokasyon umano nito, nasa gitnang bahagi na nagbibigay-daan sa direksyong kaliwa papuntang Visayas at Mindanao at sa kanan naman papunta sa Lucena, Batangas at Maynila.
Pangatlo, hindi ito nakaharap sa Pacific Ocean kaya mas ligtas.
Sa panayam ni Jeric Lopez ng Bicoldotph kay Engr. Dante Baclao, Provincial Engineer ng PGA, sinabi niyang taong 2004 o 2005 aniya ang huling pagbubukas ng Pantao Port.
“Ang LCE noon ay si Governor Gonzales. Noong nagkaroon ng bagyo, nasira ito at napabayaan. Nang magretiro naman, hindi rin nag-operate kaya nagdesisyon si Governor Grex na ituloy na ito para mapakinabangan” ani Baclao.
Ang mga bagong pasilidad ng Pantao Port ay kinabibilangan ng administration building, passenger terminal building, warehouse, powerhouse at inayos rin ang seawall.
Samantala, pinapangarap ng Philippine Ports Authority (PPA) na maging isa ang Pantao Port sa mga pangunahing pantalan sa Bicol Region.
“Sa kasalukuyan, nasa western side ng Albay ang Pantao Port at malapit ito sa San Pascual sa lalawigan ng Masbate at pwede itong maging connecting point sa Visayas at Mindanao. Kaya lahat ng cargoes o pasahero na tatawid patungong Visayas, Mindanao at western part ng Pilipinas, pwede dumaan dito” pahayag ni Stephen Agnas, Technical Supervisor ng Baseport Legazpi, PPA.
Kasunod ng soft opening, ipinahayag ng PPA na i-cacater ng pantalan ang mga passenger at cargo vessels.
Dagdag pa rito, kinakailangang kumuha muna ng permit ang mga vessels mula sa MARINA bago pahintulutan na makabiyahe.
“Kung may bibiyahe pong passenger vessel dito, dapat munang kumuha ng provisionary route permit mula sa MARINA dahil hindi naman pupwedeng bumiyahe ang isang barko na walang kaukulang permiso mula sa MARINA” ani Agnas.
RUBEN FUENTES