KASABAY ng paghingi ng paumanhin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay ang pagbibitiw ni Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian.
Ito ay kasunod ng pagputok ng tangkang pag-aangkat ng dagdag na 300,000 metric tons ng asukal sa pamamagitan ng ilegal na resolusyon na pirmado ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Board (SRA).
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na nagsumite ng kanyang resignation letter si Sebastian sa Pangulo nitong August 11.
“Nagpadala po siya (Sebastian) ng kanyang resignation. Kung matatandaan, naituro na po na si Undersecretary Sebastian ay nag-convene ng Sugar Regulatory Board at nag-isyu sila ng resolution authorizing ‘yung pag-import ng 300,000 metric tons ng asukal. Naging isyu ito dahil hindi ito pinayagan ng ating Pangulo,” ani Angeles.
Inamin din, aniya, ng DA undersecretary sa kanyang sulat na walang pahintulot ng Pangulo ang pagpapatawag nito sa board at pagpirma nila ng resolution para umangkat ng dagdag na 300,000 metriko tonelada ng asukal.
“Sa kanyang liham nakalagay doon na inaamin niya na nag-convene siya ng Sugar Regulatory Board, inaamin niya na pumirma siya at ang ilang mga kasamahan doon sa Board ng resolution, at inaamin niya na walang pahintulot ito ng ating Pangulo,” dagdag ni Angeles.
Nanindigan naman si Angeles na batay sa direktiba ni PBBM ay hindi basta-basta nag-iimport ng asukal dahil binabalanse ito ng gobyerno para hindi maapektuhan ang lokal na produkto at hindi makompromiso ang industriya ng asukal sa bansa.
EVELYN QUIROZ