(Matapos ang long weekend) HALOS 700-K NA PASAHERO DADAGSA SA MGA PANTALAN

INAASAHAN ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa paparating na weekend na papalo sa 674,000 mula Enero 3 hanggang 5 base sa passenger forecast at datos mula nakaraang taon ng Philippine Ports Authority (PPA).

Simula noong Dis­yembre 15, 2024 hanggang Enero 2, 2025 ay umabot na sa higit 3.6 milyon ang total passenger traffic sa mga pantalan na madadagdagan pa dahil sa mga pabalik pa lamang matapos ang holiday break.

Ayon kay PPA Gene­ral Manager Jay Santiago, nakahanda ang mga pantalan para sa dagsa ng mga magbabalik na pasahero at patuloy na ipinapatupad ang mahigpit na seguridad sa kaligtasan ng publiko kasabay ng panawagan sa mga pasahero na maagang mag-book ng biyahe upang maiwasan ang mahabang pila sa ticketing booth ng mga shipping lines.

Nananatili namang naka-heightened alert ang seguridad sa lahat ng mga pantalang pinangangasiwaan ng PPA sa buong bansa kung saan nasa humigit kumulang 3,000 security forces at force multiplier ang nagpapatrulya.

Mayroon ding mga Malasakit helpdesk na nagbibigay ng agarang tulong sa mga pasaherong nangangailangan, may mga rumoronda ring K-9 units at 24/7 na CCTV monitoring.

Kabilang naman sa mga Port Management Offices (PMOs) na nakapagtala ng pinakamara­ming bilang ng mga pasahero mula sa nasasakupan nilang mga pantalan ay ang PMO Batangas, Bohol, Davao, Negros Oriental, Siquijor at Bicol.

RUBEN FUENTES