(Matapos ang maintenance activity sa air traffic management system) NAIA NAPANATILI ANG NORMAL OPS

TINIYAK ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nananatiling normal ang operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pagkumpleto ng kritikal na hakbang sa maintenance activity nito sa air traffic management system (ATMS) ng bansa.

Sinabi ni CAAP Deputy Director General for operations Edgardo Diaz na ang kritikal na bahagi ng trabaho ay ang paglipat ng mga pinagmumulan ng koryente mula sa mga lumang uninterruptible power supply (UPS) patungo sa mga naka-standby na UPS. Natapos ito dakong 3:14 ng umaga.

Patuloy ang pag-install ng mga bagong unit ng UPS hanggang dakong hapon.

Ang dalawang oras na maintenance activity ay bahagi ng pagsisikap ng CAAP na pahusayin ang ATMs at maiwasan ang katulad na insidente noong Enero 1 na nakaapekto sa libo-libong mga pasahero.

Ang Automatic Voltage Regulator ay naayos din noong Mayo 3.
Sa ngayon, walang mga flight ang naapektuhan matapos ang maintenance activity.

“Lahat ng aming mga flight sa loob ng 2AM hanggang 4AM maintenance period ngayong Mayo 17 ay nakaalis at nakarating,” sabi ng Philippine Airlines.

Sinabi ng CAAP na susunod ay ang pag-upgrade ng software system nito. Ang mga detalye hinggil dito ay tinatapos pa lamang kasama ng maintenance provider nito, ngunit ito ay tiyak na mangyayari sa loob ng taon, dagdag nito.