(Matapos ang pananalasa ni ‘Paeng’)45 NATIONAL ROADS SARADO

baha

NASA 45 national roads sa bansa ang isinara sa trapiko kasunod ng pananalasa ni Tropical Storm Paeng, ayon sa Department of Public and Highways (DPWH).

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagdulot si ‘Paeng’ ng malawakang pinsala sa iba’t ibang kalsada dahil tumawid ito mula Mindanao hanggang Luzon.

“As of last night, nakapag-inventory po kami. Siguro, there are 45 national roads closed all over the country. At saka, there are also several partially passable lang,” sabi ni Bonoan.

Kasalukuyan na aniyang isinasagawa ang clearing operations sa major roads nang sa gayon ay makadaan ang goods and services, gayundin ang relief operations.

“Having said that, puspusan na po kami ngayon. Nagsimula na kami kaninang madaling araw pa… para mag-clear na po kami. Ang utos ko, i-clear muna ang lahat ‘yung primary roads para po [ma-control] natin ang daloy ng traffic para po mga goods and services, pati ‘yung mga relief operations ay makapasok sa mga nasalanta,” ani Bonoan.

Sa ngayon, sinabi ng DPWH na ang tanging hamon sa kanilang operasyon ay ang pagkumpuni sa mga nasirang tulay at kalsada patungong Antique mula Iloilo.

“May mga tulay na nasira, ‘yung mga approaches. May mga tulay din na-washout na tulay,” aniya.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may 147 kalsada at 53 tulay ang hindi madaanan dahil kay ‘Paeng’.