MATAPOS ang maayos na pilot implementation ng Commission on Elections (Comelec) sa mas maagang pagboto ng senior citizens at PWDs nitong Oktubre 30 sa BSKE, ipinanawagan si Senador Sonny Angara ang agarang pagpasa ng isang panukalang batas na naglalayong magpatupad ng early voting privileges para sa seniors at PWDs.
Sa kanyang inihaing Senate Bill 777, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay prayoridad sa mga nakatatanda at mga may kapansanan sa voting precincts upang hindi na nila makasabay pa ang mga regular na botante. Aniya, sa susunod na halalan ay kailangang maipatupad na ang batas na ito.
“Tayo po ay natutuwa sa naging resulta ng pilot implementation na ito ng Comelec na nagpatupad ng mas maagang pagboto sa seniors at PWDs sa dalawang pilot cities. Malinaw na sa kabila ng kanilang kalagayang pisikal, naroon ang kanilang paghahangad na makaboto, kaya’t nararapat lamang na bigyan natin sila ng pribilehiyo,” ani Angara.
Mababatid na naging maayos ang implementasyon ng Comelec ng early voting para sa mga nakatatanda at mga may kapansanan sa mga lungsod ng Muntinlupa at ng Naga nitong Lunes.
Dakong alas-5 pa lamang ng umaga ay nakaboto na ang mga ito, ayon sa ulat ni Comelec Chairman George Garcia.
Dahil dito, nakiusap si Garcia sa dalawang sangay ng Kongreso na ipasa na sa lalong madaling panahon ang panukalang batas na nagtatatag ng early voting bago pa man sumapit ang 2025 elections.
Sa panukala ni Angara, sinabi nyang mas mainam kung sa loob ng 15 araw bago sumapit ang mismong araw ng elekson ay bibigyan ng dalawang araw na pagboto mula rito ang seniors at PWDs.
Layunin din ng panukalang batas ng senador na pahintulutan ang Comelec na magtatag ng eksklusibong polling precincts para lamang sa mga botanteng may kapansanan at mga senior citizen. Ito ay para mas maging komportable sa kanila ang pagboto at ligtas mula sa anumang kapahamakan.
“Nakalulungkot ang mga balita na marami pa rin sa mga seniors natin ang pumila ng matagal sa mga presinto at kinailangan pa umakyat ng ilang palapag para lamang bumoto,” ayon pa kay Angara.
VICKY CERVALES