INIUTOS ng korte ang agarang paglilipat ng detensyon ni Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo mula sa Camalig Municipal Police Station (MPS) patungo sa Manila City Jail Annex sa Bicutan, Taguig City.
Ang desisyon ay bunga ng pagdinig sa kasong kinakaharap ni Baldo sa Manila RTC at upang maiwasan ang abala sa pagdadala sa kaniya mula Albay patungong Maynila sa tuwing kinakailangan ang kaniyang presensya sa korte.
Sa kabila umano ng kaniyang mga daing ukol sa kalusugan kabilang ang hypertension, diabetes mellitus at bronchial asthma, tinanggihan ng korte ang kaniyang kahilingan na manatili sa Camalig MPS.
Ayon sa korte, mas makabubuti umano para sa kaligtasan at kaniyang kalusugan kung mananatili umano ito sa Manila City Jail Annex kung saan mas malaki ang mga detensyon at matutugunan ang kaniyang mga alalahanin.
Nananawagan naman si Justin Batocabe, anak ni dating Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe sa mga awtoridad sa agarang pagsunod at paglipat sa lalong madaling panahon kay Baldo na diumano’y mastermind sa pagpaslang sa kaniyang ama.
RUBEN FUENTES