INIHAYAG ni Department of the Interior and Local (DILG) Secretary Benhur Abalos na matapos ang matagumpay na pag-aresto sa sinibak na si Bamban City Mayor Alice Guo at puganteng si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, target naman ngayon ng gobyerno na makuha ang kustodya ni dating Negros Oriental representative Arnolfo Teves Jr.
Sa pahayag ni Abalos sa Dubai nitong Linggo ng gabi, tinalakay nito ang nangyaring pag-aresto kina Alice Guo sa Tangerang City sa Indonesia, araw ng Miyerkules at Quiboloy sa KOJC compound sa Davao City alas-6 ng gabi, araw ng Linggo.
“Pangatlo hopefully makukuha na rin si Teves. Ito ‘yung pumatay kay Degamo, remember?” ayon kay Abalos sa Filipino crowd.
Nahaharap si Teves at iba pa sa murder charges kaugnay ng pagpatay noong 2023 kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo nang pagbabarilin ang huli ng mga armadong kalalakihan habang namamahagi ng tulong sa mga residente sa Pamplona.
Bukod sa pagpaslang kay Degamo, kinasuhan din si Teves at iba pa sa pagkamatay ng tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.
Nasa kustodiya ng Timor Leste police ang pinatalsik na mambabatas mula noong Marso kasunod ng pagkakaaresto sa kanya base sa International Criminal Police Organization (Interpol) red notice na ipinalabas laban sa kanya noong Pebrero.
Sa kabilang ako, sinabi naman ni Department of Justice (DOJ) spokesperson at assistant secretary Mico Clavano, nakikipag-ugnayan n ang departamento sa Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensya dahil na rin sa kagustuhan ni Timor-Leste President Jose Ramos-Horta na ibalik na sa Pilipinas si Teves.
Umaasa naman ang DOJ na mabilis na maipatutupad ang ekstradisyon matapos ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa mula Setyembre 9 hanggang 11.
Nauna rito, ibinasura ng Timor-Leste ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. upang baligtarin ang paggawad ng extradition sa Department of Justice.
Matatandaang naunang iginawad ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang hiling ng Pilipinas na extradition ni Teves noong Hunyo.
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang detalye ang DOJ hinggil sa desisyon.
Pinatalsik siya sa House of Representatives noong Agosto 2023 dahil sa “disorderly conduct” at patuloy na hindi pagpasok sa kabila ng napasong travel authority.
EVELYN GARCIA