MATATAAS NA KALIBRE NG ARMAS ‘INILIBING’ NG NPA

ITINURO ng isang dating rebelde ang mga nakabaon na mataas na kalibre ng baril at handheld radios, sa pamunuan ng 86th IB Philippine Army sa Echague, Isabela.

Ang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na si alyas Ka Popoy ay kusang nakipagtulungan sa 502th Infantry Brigade, at ng Isabela Police Provincial Office at itinuro ang dati niyang gamit na armas M16 rifle at dalawang ICOM na radyo na nakabaon sa Sitio Calabaguin, Barangay San Miguel kamakailan.

Itinuro rin nito ang kuta ng dati niyang mga kasamahan gayundin ang pinagtaguan ng armas matapos ang pagkasawi ng kanilang dating lider na si alyas Yuni noong Marso 13, 2021 sa pakikipagsagupa sa mga sundalo.

Pinuri naman ni B/Gen Danilo D Benavides, Commander ng 502nd Infantry Brigade ang tropa ng 86th Infantry Battalion at ang pulisya sa kanilang patuloy na pagpupursige upang matuldukan ang kasamaang dulot ng insurhensiya sa buong lugar na sakop ng 502nd Brigade at ng buong 5ID.
IRENE GONZALES

Comments are closed.