(Matatag pa rin) SUPPLY, PRESYO NG BABOY

bocha

KAHIT may mga nangamatay nang alagang baboy ay tiniyak ng Department of Agriculture na sapat pa rin ang suplay nito sa mga pamilihan.

Ito ay sa gitna ng pinangangambahang posibleng pagpasok sa bansa ng African Swine Flu (ASF).

Ayon kay Agriculture Secretary  William Dar, bukod sa sapat ang suplay ng baboy ay nananatili pa rin ito sa kanyang presyo.

Kamakailan ay inihayag   ng  ilang opisyal ng DA  na posibleng hog cholera ang ikinamatay ng mga baboy, ngunit  hinihintay pa ang resulta ng iba pang laboratory tests.

Inaalam ng gob­yerno  kung nakapasok na sa Filipinas ang ASF na nagresulta na sa pagkamatay ng mas mara­ming baboy sa ibang mga bansa.

Paliwanag  naman ng Department of Health na  deadly  man ang ASF sa mga baboy ay wala naman itong epekto sa mga tao.

Payo lamang ng DOH na  lutuing maigi ang nasabing meat product.

6K KILONG ‘HOT MEAT’ IBINAON SA PAYATAS

UMAABOT sa  6,600 kilo  ng  ‘hot meat’ ang nakumpiska sa isang delivery truck sa isang checkpoint ng Veterinary Department sa Quezon City.

Ayon kay Quezon City  Veterinarian Dr. Ana Cabel, ‘frozen’ na mga tadtad nang mga karne ang kanilang nasamsam sa isang delivery truck na galing ng Antipolo, Rizal, kung saan sinasabing may mga nangamatay na baboy.

“Hot meat po, walang dokumento na meat inspection certificate, hindi namin alam kung saan kinatay o may sakit ang baboy. Basta frozen siya na chopped meat,” ani Dr. Cabel.

Gayunman, hindi pa  matukoy kung saan kinatay o kung may sakit ang baboy na nasamsam na ‘meat product’ at wala ring naipakitang ‘meat inspection certificate’ ang mga sakay ng delivery truck

Sinabi ni Dr. Cabel,  ang mga nakumpiskang mga karne ng baboy ay agad na nilang ibinaon  sa landfill sa Payatas, Quezon City.

“6,600kilos ang dami. Sa Antipolo, Rizal galing, nasa area ng mga namamatay na baboy kaya naging suspect namin. Ibinaon na po namin sa Payatas,” wika pa ni Dr. Cabel.

Nabatid na may ilan pang mga delivery truck na nasita dahil sa kawalan din ng dokumento, pero ang iba ay pinapayagan lang makapasok  kapag nakapagpakita na ng kaukulang papeles.

Nagtalaga ng mga checkpoint sa Quezon City simula nitong nakaraang linggo kasunod ng napabalitang pagkamatay ng mga baboy dahil sa sakit. BENEDICT ABAYGAR, JR.