MALIIT lamang umano ang tyansa na dapuan ng sakit na polio ang mga matatanda.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary Eric Domingo, na siya ring tagapagsalita ng DOH, kasunod ng kumpirmasyon na muling bumalik ang sakit na polio sa bansa matapos ang 19-na taong pagiging polio-free.
Ayon kay Domingo, ang mga bata, na limang taong gulang pababa, ang talagang high-risk at itinuturing na ‘most vulnerable’ sa polio kaya’t sila ang prayoridad ng pamahalaan na mabigyan ng bakuna dahil mahina ang immune system ng mga ito.
“Ang talagang high-risk po sa polio is children 5 years below kaya talagang sila iyong ipina-prioritize sa pagbabakuna,” ani Domingo, sa panayam sa radyo.
“’Pag po adults, mababang-mababa po ang risk,” aniya pa.
Sa kabila nito, pinayuhan naman ni Domingo ang mga matatanda na mahina ang immune system na kumonsulta sa mga health specialist upang mapayuhan sila sa dapat gawin. “Unless po siguro immuno-compromised, maaari silang magtanong sa kanilang center at tanungin kung kailangan silang bigyan ng bakuna rin.”
Matatandaang noong nakaraang linggo ay sinabi ng DOH na nakapagtala sila ng dalawang bata na kumpirmadong tinamaan ng polio, na walang lunas at nagdudulot ng paralysis at kamatayan.
Kabilang dito ang isang 3-taong gulang na batang babae mula sa Lanao del Sur at isang 5-taong gulang na batang lalaki mula sa Laguna.
Ayon sa DOH, naitala ang mga bagong kaso ng polio, matapos ang 19-taong pagiging polio-free ng Filipinas.
Kinumpirma rin ng DOH na naka-detect sila ng poliovirus sa mga kinuha nilang sewage water samples mula sa Maynila at southern city ng Davao.
Kaugnay nito, muli rin namang hinikayat ni Domingo ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa polio.
Ang mga bata ay maaaring makakuha ng libreng oral polio vaccines sa mga health centers.
Maaari namang maiwasan ng matatanda ang pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng personal hygiene at restroom sanitation. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.