INAPRUBAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagkakaloob ng service recognition incentives (SRI) sa mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang uniformed personnel, para sa fiscal year 2024.
Ipinalabas ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Administrative Order No. 27 noong Disyembre 12, 2024.
Pinahihintulutan ng AO No. 27 ang pagkakaloob ng one-time SRI na P20,000 kapwa sa civilian at military government personnel “not earlier than December 15, 2024.”
Sakop ng bibigyan ng SRI ang civilian personnel sa national government agencies, kabilang ang state universities and colleges (SUCs) at government-owned or -controlled corporations, na may regular, contractual o casual positions.
Tatanggap din ng cash incentive ang military personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Department of National Defense, at uniformed personnel ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Jail Management and Penology sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government, Bureau of Corrections sa ilalim ng Department of Justice, Philippine Coast Guard sa ilalim ng Department of Transportation, at National Mapping and Resource Information Authority sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
Bukod sa mga empleyado sa executive branch, ang mga manggagawa sa legislative at judicial branches at iba pang tanggapan na binigyan ng fiscal autonomy tulad ng mga nasa Senado, House of Representatives, Judiciary, Office of the Ombudsman ay tatanggap din ng one-time SRI na hindi hihigit sa P20,000.
Ang mga manggagawa sa local government units (LGUs), kabilang ang mga nasa barangay ay tatanggap din ng one-time SRI, gayundin ang mga empleyado sa local water districts.
Sa isang statement, nagpasalamat si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa pagpapalabas ng AO No. 27.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Bongbong Marcos sa pag-apruba ng kautusan na magbibigay ng SRI sa lahat ng ating mga lingkod bayan. Sigurado po ako, maituturing itong maagang pamasko ng ating mga kawani at kanilang pamilya lalo’t paparating na ang holiday season,” sabi ni Pangandaman.
“First time in history makukuha po ng ating mga guro sa DepEd nang buo ang kanilang SRI. Mula P15,000 noong 2022 at P18,000 noong 2023, magiging P20,000 na po ito ngayong 2024. Kaisa po tayo ng Pangulo sa pagkilala sa hirap at sakripisyo ng ating mga guro na tumatayong pangalawang magulang sa ating mga kabataan,” dagdag pa niya.