ANG MATIBAY na pundasyon ng isang manok panabong ay nakukuha sa range area o paalpasan kung saan sila lumaki.
Mas mainam kung lumaki silang gala sa bundok dahil siguradong malakas ang kanilang baywang at balikat, pula ang mata kasi akyat, takbo at lipad sa mataas na puno at nandoon po ang natural source ng viatamins and minerals.
“Maganda po kung may dumi ng baka (natural source ng vitamin B12), kabayo (unidentified growth factor) at kambing (antired mites) sa range,” ani Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.
“Tingnan n’yo po ‘yung tao na laki sa hirap at naglalakad lang araw-araw at ‘yung lumaki sa city na buhay mayaman pagdating sa paglaban sa anumang sports ay madaling mapagod lalo na po kung boxing. Ang boxer kalimitan ay lumaking batak sa trabaho kaya matatag. Habang lumalaki sila simula day 1 hanggang 6 months, dito n’yo na ibigay ang lahat ng vitamins at supplements na gusto n’yo para matatag ang foundation nila,” dagdag pa niya.
Aniya, pinakaimportante na magbigay po tayo ng electrolytes kasi mataas ang pangangailangan nila habang lumalaki.
“Maputla po ang mukha nila kasi dapat po every 15 days ay pinupurga. Dapat po magkasama ang stag at pullet sa paglaki para maiwasan ‘yung papatayin ang kalaban tapos hindi tutukain,” ani Doc Marvin.
“Ang super na stag at hari ay nasa pinakamataas na hapunan (roost) at katabi halos lahat ng pullet kasi gusto niyang nakikita ang lahat kaya dapat lahat ng stag nakatikim maghari. Bago mag-anim na buwan dapat alisin na ang pinakahari at ito ay considered na multi-winner kasi tinalo niya ang lakas ng hangin at ulan, init ng araw at mga predator (sawa, daga, bayawak, alamid, etc.) at lahat ng sakit. Kung ang mga sawa at bayawak ay ‘di niya kayang labanan, lalo na po ang talas ng tari at dapat po ay survival.”
Ayon pa sa kanya, walang magagawa ang complete vaccination at medication program kung masikip at madumi ang kanilang pinaglalagyan (overcrowding).
“Pare-parehas na po ang bloodline niyan at magkakatalo na lang kung paano mo inalagaan,” ani Doc Marvin.
Sa panahon naman ng pagpapalahi ay mahalaga, aniya, na binabakunahan ang ating mga inahin at ganador para maipasa nila ang anti-body sa kanilang mga anak.
Ayon sa kanya, lahat ng bagong pisang sisiw ay nagtataglay ng maternal anti-body (panlaban sa lahat ng sakit).
“Ang anti-body po ay tumatagal ng 30 days sa katawan ng sisiw kaya sila masigla at kaya po binabakunahan ang sisiw sa pangunahing sakit (NCD, Gumboro at Fowl Pox) sa loob ng 30 days ay inuunahan ang sakit o prevention,”sabi pa ni Doc Marvin.
“Humanda po tayo ‘pag 1 month na sisiw diyan tatamaan ng sipon, bulutong, salmonellosis at fowl cholera at halak,” dagdag pa niya.
Aniya, maiiwasan ito sa pamamagitan ng flushing at depende ang lahat sa lugar na pinaglalagyan nila.
“Lahat po ng bacteria at virus ay opportunistic o mapagsamantala, hinihintay humina ang resistensiya ng katawan, stress at diyan sasalakayin nila one by one ang health ng alaga natin. Ang ginawa na po natin ay complete vaccination at medication program at nagkasakit pa rin, ang pinaka-mabisang gamot ay pagpapatayin,” paliwanag niya.
Anya, ang pag-aalaga ng sisiw ay dapat kaparehas ng pag-aalaga ng isang sanggol sa tao na sobrang linis at sobrang tutok ang kailangan.
“Wala pong magaling at super na bloodline kung siya ay sakitin noong bata pa at kung ano ang alaga natin sa ating manok ay ‘yun lang din po ang ibibigay niya sa atin. Ang sabong po ay combination ng LOVE AND MONEY, kung wala po ang isa, mas maganda po na huwag nang mag-alaga ng manok dahil masasayang lang po ang lahat,” ani Doc Marvin.
“’Yung matigas po talaga ang ulo at nanghihinayang sa manok, kayo ay iiwanan ng inyong alaga sa oras ng laban at ang lahat po ay kabig ninyo ang lahat ng palo at atin pati rin po ang bayad!”
Ang masipag magpatay ng alagang manok ay malayo umano ang nararating.
“Palagi po nating isipin na magpalit tayo ng katayuan ng ating alagang manok na ikaw ang ilagay sa kulungan kung san ka dumudumi at umiihi ay doon ka rin kakain at matutulog, ewan ko naman kung paano ka papalo ng pumuputok,” sabi pa ni Doc Marvin.
“Ang dami pong magagandang magazine, TV show maging sa computer at kung ano-ano pa ang nagtuturo kung paano ang gagawin kaya dapat ay hindi tayo naiiwanan na ang lahat ng pinupunto ay ang kalinisan,” dagdag pa niya.
Comments are closed.