MATIBAY NA SOLUSYON VS TRAPIK, SIKSIKAN SA LUGAR SA METRO

HINDI na kailangan pang i-memorize dahil napakasimple ang solusyon na naiisip ni Senador Ping Lacson para lumuwag ang mga kalye at mga siksikan na lugar sa Metro Manila.

Sa panayam, tahasang isiniwalat ni Lacson na ang mabisang tugon sa nabanggit na problema ay ang isinusulong niyang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).

Sa paliwanag ni Lacson, sa implementasyon ng BRAVE, maeengganyong bumalik sa kanilang mga lalawigan ang mga nagsisiksikan sa Metro Manila at iba pang mga masisikip na lungsod sa bansa dahil magkakakaroon ng maraming oportunidad para sa trabaho sa kanilang pinagmulan.

“Karugtong na ‘yon (pag-ayos ng traffic) ng village empowerment e. Kasi pagka nag-disburse ka ng resources ng gobyerno at naging developed, nagkaroon ng livelihood sa mga malalayong lugar ay natural lang na mag-aalisan (ang mga tao),” paliwanag ni Lacson.

Layunin ng BRAVE na direktang i-download sa mga lokal na pamahalaan ang mga pondo ng mga proyektong nais na maisagawa ng mga ito batay sa pangangailangan at pag-aaral ng kani-kanilang mga pinuno.

Sa kasalukuyang sistema, bagama’t may mga proyekto sa mga lalawigan, ang mga ito ay batay sa kagustuhan ng national government at hindi sa situwasyon at pangangailangan ng mga lugar na pagtatayuan. VICKY CERVALES