PINAALALAHANAN ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) ang publiko sa ibayong pag-iingat ngayong panahon ng tag-init.
Ito ay matapos na maitala ang pinakamataas na heat index kamakalawa, Abril 9 sa lungsod ng Dagupan sa Pangasinan.
Ayon sa datos ng Pagasa, naramdaman ito sa Pangasinan sa alas- 2:00 ng hapon na umabot sa 51.7°C kung saan sinundan pa ito sa Cuyo, Palawan na may 46.2°C at Tuguegarao, Cagayan na may 43.5°C.
Ang heat index o init factor ay ang init na nararamdaman ng isang tao.
Bunsod nito, nanawagan ang ahensiya na iwasan ang paglabas at pagbabad sa araw mula 10 a.m. hanggang 3 p.m. at ugaliing damihan ang pag-inom ng tubig.
Umaasa naman ang ahensiya na patuloy na mararamdaman ang matinding init hanggang sa susunod na buwan ng Mayo. BENEDICT ABAYGAR, JR.