DAHAN-DAHANG nababawasan daw ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa.
Ang isa raw sa mga dahilan nito ay ang pagluluwag ng COVID-19 restrictions.
Gumaganda na rin kasi ang ekonomiya ng bansa.
Masarap pakinggan na lumago ang ating ekonomiya.
Maganda sa pandinig.
Hindi na lang talaga maiiwasan na mayroon pa ring umaangal.
Ang kanilang reklamo, hindi raw nararamdanan o nalalasap ng mga karaniwang Pinoy ang pagbuti o pag-angat ng ekonomiya.
Ang mga maliliit na negosyo naman, hirap daw na makabangon.
Kung ano-ano na lang ang mga paraan na ginagawa nila.
Sabi nga, lahat ng negosyo ay gustong makuha ang atensiyon at loyalty ng kanilang customers.
Hindi lang nila gustong mapanatili ang mga suki, kailangan ding makahakot ng mga bagong buyer o consumer.
Ang pinakamagandang gawin daw ay laging magdagdag ng bagong products.
Sa isang banda, laging dumadating sa punto na nalilimitahan ang produkto.
Habang hirap ang mga maliliit na negosyo sa tindi ng kompetisyon, ganoon din naman ang mga dambuhalang kompanya.
Dumarating pa nga sa puntong nagkakademandahan pa sila.
May mga kaso ring nakakarating sa Supreme Court (SC).
Kamakailan nga, pinagtibay ng SC ang hurisdiksiyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) para dinggin ang kaso ng anti-competitive behavior, abuse of market power, at iba pang unfair trade o practices laban sa Manila Electric Company (Meralco) at subsidiaries ng Aboitiz Power Corporation.
Naikasa raw ang mga kasong ito bago naisabatas ang Republic Act No. 10667 o mas kilala bilang Philippine Competition Act (PCA).
Sa limang-pahinang resolusyon, partially granted o hindi pinagbigyan ng third division ng Mataas na Hukuman ang buong petisyon laban sa ERC na kumukuwestiyon sa ruling ng Court of Appeals noong May 23, 2018 na nagsasaad na saklaw ng Philippine Competition Commission (PCC) ang mga kaso o anti-competition issues.
Ngunit sa kabilang banda, idineklara ng CA na ang PCA ay walang “retroactive effect” na ang ibig sabihin ay nasa kapangyarihan pa rin ng ERC ang pagdedesisyon sa ilang kaso.
Sabi ng kataas-taasang korte, aba’y naisampa ang mga reklamong iyon bago naisabatas ang RA 10667 noong July 21, 2015.
Sa totoo lang, mahirap ang sitwasyon ng mga consumer ngayon.
Kapag nag-aaway ang mga vital industry gaya ng serbisyo sa koryente, sila ang nagdurusa.
Sinasabi tuloy ng iba na kapag pinagkakakitaan ang mga batayang serbisyong ito, pinaglilingkod sa interes ng may-ari ng kompanya, at hindi na kinakalinga ang kanilang consumers, hindi raw sila dapat pagkatiwalaan.
Naalala ko tuloy ang sigalot na nangyari diyan sa Iloilo City sa pagitan ng ilang kompanya at dalawang transport groups.
Umapela kasi ang grupo sa ERC noong mga panahong iyon na silipin at imbestigahan daw ang Capital Expenditure ng Panay Electric Company (PECO) matapos matuklasan na ang pondong inaprubahan para sa pagbili ng transportation equipment ay sinasabing ibinili ng luxury car na BMW.
Ang masaklap, nang mawalan daw ng prangkisa ang kompanya ay ibinenta ito ng presidente ng PECO.
Ang tinukoy sa reklamo ng Western Visayas Transport Cooperative (WVTC) at Iloilo City Loop Alliance of Jeepney Operators and Drivers Association (ICLAJODA) ay si PECO President Luis Miguel Cacho.
Sa pagberipika raw nila sa Land Transportation Office (LTO), lumilitaw na ang kinukuwestiyong luxury car ay naibenta ni Cacho noon pang Mayo 22, 2019.
Kahina-hinala raw ang naging “timing” ng pagbebenta ng mamahaling sasakyan dahil ginawa ito sa panahong wala nang legislative franchise ang PECO.
Well, tama nga ang dalawang grupo na kailangang mapatunayan ng kompanya sa tao na hindi nila winawaldas ang pera ng mga consumer.
Kung may pandaraya naman daw sa transaksiyon, aba’y dapat daw na managot lalo pa’t ang sangkot dito ay pera ng electric consumers.
Nawa’y mabigyang-linaw o maayos na ang mga nasabing gusot sa lalong madaling panahon.