MATINDING PAG-IINGAT KONTRA COVID-19  KAILANGAN PA RIN

JOE_S_TAKE

NAGKAROON man ng bahagyang pagkaantala ang pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19 sa bansa, magandang balita naman ang ipinahayag ng pamahalaan. Nakatakdang dumating ang unang batch ng dosis ng mga bakuna sa katapusan ng linggong ito. Bunsod nito, nakatakda na rin ang pagsisimula ng paglulunsad ng pamamahagi nito sa susunod na linggo.

Mainam na balita rin ang ukol sa kahandaan ng ating pamahalaan at ng iba’t ibang lokal na pamahalaan sa paglulunsad ng pamamahagi ng bakuna dahil maaari na agad simulan ang pamamahagi nito pagdating ng bakuna. Naantala man nang panandalian, abot-kamay na ang solusyon sa pandemyang COVID-19.

Bagaman napabalita na ang unang batch ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech na may bilang na 117,000 na dosis ang unang darating sa bansa, tila mauuna rito ang bakunang Sinovac ng China. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nakatakdang dumating bukas, ika-28 ng Pebrero, ang 600,000 na dosis ng bakuna mula sa Sinovac.

Nasa 25 milyong dosis ng bakuna ang kabuuang bilang ng nakatakdang manggaling mula sa Sinovac. Ang unang batch nito ay nakatakda sanang dumating sa bansa noong ika-23 ng Pebrero, ngunit ito ay naantala dahil nitong nakaraan lamang ito nabigyan ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drug Administration (FDA).

Bukod sa Sinovac, may inaasahan ding 10,000 dosis ng bakuna mula sa isa pang parmasyutikal na kompanya ng China, ang Sinopharm.

Ayon din kay Roque, ang unang batch ng bakuna mula sa AstraZeneca ay inaasahan namang darating sa Marso. Ayon sa mga naunang pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., ang mga dosis mula sa AstraZeneca ay nakatakdang ipamahagi sa mga frontline healthworker na nakadestino kung saan mataas ang bilang ng positibong kaso ng COVID-19.

Ilan din sa mga prayoridad na mabigyan ng bakuna ay ang COVID-19 referral na ospital sa Metro Manila. Kabilang dito ang Philippine General Hospital (PGH), Lung Center of the Philippines, East Avenue Medical Center, at Dr. Jose N Rodriguez Memorial Hospital.

Aminado naman si Roque na kung ang mga bakuna na magmumula sa kanlurang bansa ang aasahan, patuloy lamang tayong maghihintay. Sa kabila naman ng pagkaantala ng pagdating ng bakuna mula sa Pfizer-BioNTech sa bansa, siniguro naman ni National Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon na tinututukan at inaasikaso ang nasabing dahilan ng pagkaantala upang mas mapabilis ang pag-dating ng nasabing mga bakuna.

Ayon sa mga datos, kabilang ang Filipinas sa may pinakamaraming kaso ng COVID-19 at pinakamataas na bilang ng namatay dahil sa COVID-19. Tayo rin ang naitalang pinakahuling bansa sa Timog Silangang Asya na nakatanggap ng dosis ng bakuna.

Nahuli man tayo nang bahagya sa ating mga karatig bansa, ang mahalaga ay malapit na ring dumating ang bakunang susugpo sa pandemyang ito. Bagaman parating na ang bakuna na ating pinakahihintay, kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat upang patuloy na makaiwas sa virus.

Sa kasalukuyan ay nasa halos 570,000 na ang kabuuang bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabuuang bilang na ito, nasa halos 33,000 ang naitalang bilang ng aktibong kaso. Ang bilang ng mga nasawi naman ay nasa halos 12,300 na.

Noong ika-25 ng Pebrero, umabot sa 2,269 ang bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na nadagdag sa bansa. Ito ang naitalang ikalawa sa pinakamataas na bilang ng nadagdag na kaso kada araw ngayong taong 2021. Ang pinakamataas na bilang na naitala ay noong ika-22 ng Pebrero sa bilang na 2,288.

Ayon sa mga ulat, hindi pa kasama sa naitalang bilang noong ika-25 ng Pebrero ang datos mula sa tatlong laboratory na hindi nakapag-sumite ng mga resulta ng testing nito sa tamang oras. Sa madaling salita, maaaring mas mataas pa dapat ang naitalang bilang ng dumagdag na positibong kaso ng COVID-19 para sa araw na iyon.

Huwag tayo masyadong dumepende sa bakuna. Bukod sa proteksiyon na ibibigay ng bakuna, nananatiling mahalaga ang ipagpatuloy ang ating nakagawiang pansariling pag-iingat. Ugaliin pa rin ang pagsusuot ng face mask at ng face shield sa mga pampublikong lugar. Uminom ng Vitamin C. Maghugas mabuti ng kamay at ugaliin din ang madalas na paggamit ng alcohol o hand sanitizer. Kung makaramdam ng sintomas ng COVID-19, magkusang loob at isailalim ang sarili sa quarantine upang hindi makahawa sakaling mag-positibo sa COVID-19. Iwasan din ang pagpunta sa mga pampublikong lugar kung may sintomas na nararamdaman.

Malapit na ang pagdating ng bakuna sa bansa. Tiyak na malaking tulong ito sa muling pagbangon ng ating ekonomiya. Nahuli man tayo nang bahagya kumpara sa ating mga karatig bansa, ang mahalaga ay makapag-uumpisa na rin tayo sa pamamahagi ng bakuna.

Huwag natin ituring na tila patimpalak ang pagkuha ng bakuna ng bawat bansa. Hindi ito unahan. Ang mahalagang masiguro ay ang pagiging epektibo ng sistema ng pamamahagi nito. Bilang mamamayan ng bansa, gawin din natin ang ating responsibilidad. Bukod sa pagpapabakuna, ipagpatuloy natin ang ating mga ginagawang pag-iingat upang mas makaiwas sa COVID-19. Pasasaan pa’t malalampasan natin at muling yayabong ang ating ekonomiya gaya noong bago nagsimula ang pandemyang ito. Manatili tayong positibo sa ating perspektibo ukol sa mga pinagdadaanan ng bansa.

Comments are closed.