MATINDING PAGBAHA MAIIBSAN NA – DPWH

TINIYAK ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga senador na sila ay gumagawa ng hakbang upang maibsan ang pagbaha sa bansa.

Ito ang pahayag ni Public Works Secretary Manuel Bonoan sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang P898-bilyong badyet ng ahensya para sa 2025.

Binanggit ng ilang senador na ma­rami pa ring mga Pilipino ang patuloy na nakararanas ng matinding pagbaha sa kabila ng malaking pondo na inilalaan sa DPWH para sa flood control and management.

Ayon kay Bonoan, ang ahensya ay nagpapatupad ng mga proyekto sa ilalim ng programang ‘Build Better More’ ng administrasyong Marcos.

“But at the end of the day, we cannot experience its benefits by next year … we just want to manage the expectations of our fellow citizens because despite the huge funding we put in, once we’re hit by the ‘habagat’, we’ll get flooded again” sabi ni Sen. Nancy Binay kay Bonoan.

“That’s true. But there will certainly be an improvement. Flooding will most likely be mitigated by the infrastructure program that we are undertaking at this time” sagot ni Bonoan.

“We won’t be able to totally eradicate flooding but certainly there will be improvement in addressing flood control, especially in low-lying areas” aniya.

Noong nakaraang buwan, kinuwestiyon din ng Senado si Bonoan ukol sa problema sa pagbaha kasama na ang malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon sa kasagsagan ng Superbagyong Carina.

Inamin niya na sa kabila ng bilyon-bilyong pisong inilaan sa mga flood control program, kulang pa rin ang bansa sa isang integrated flood control master plan.

Ipinaliwanag niya na ang 5,500 natapos na proyekto, na iniulat ni Pangulong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address ay mga “immediate relief projects” lamang.

“These are immediate projects and engineering interventions all over the country that are not part of the master plan. These are stand-alone projects to provide immediate relief and protection to low-lying areas” aniya sa pagdinig noong Agosto.

RUBEN FUENTES