AGARANG iniutos ni Interior Secretary Eduardo Año na bumuo ang lahat ng mga barangay sa buong bansa ng kani-kanilang health emergency response teams upang makatulong sa pagharang sa pagkalat ng 2019 Novel Coronavirus o nCoV sa bansa. Kasalukuyan itong kumakalat sa orihinal na pinagmulan nito sa Wuhan, China at pati na rin sa kabuuang bansa nila. May mga naitalang turista na may nCoV na nanggaling sa Wuhan na ngayon ay nasa ibang bansa na rin. Mayroon nang 28 bansa na may kumpirmadong kaso ng nCoV sa iba’t ibang kontinente. Sa Amerika, Europa, Middle East, at sa Asya.
Ang Russia at Mongolia ay isinarado na ang kanilang boarders sa China. Bawal na ang mga Tsino na pumunta sa kanilang bansa. Inanunsiyo na rin ni Pangulong Duterte na ipinagbabawal na rin ang mga bumibiyahe mula China, Hong Kong at Macau na tumapak rito sa ating bansa. Mabigat talaga ang problemang ito.
Ang Filipinas ay nagtala ng kauna-unahang dayuhan na Tsino na may nCoV na namatay sa labas ng China. Sa kasalukuyan, may tinitingnan silang 80 tao na maaaring may nCoV. Kaya naman nagdesisyon nga si Sec. Año na gumawa ng mga ‘preventive measure’ upang makatulong na hindi kumalat ang nakamamatay na virus.
Kung mapapansin ninyo, nagkakahirapan ng suplay ng face mask sa mga tindahan. Kaya naman ang ating pamahalaan ay lumilibot sa mga tindahan na nagtatago ng face mask sa planong itaas ang presyo nito habang lumalakas ang pangangailangan nito.
Sinabi ni Año na bubuo ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERT) na tutulong upang makatulong sa krisis na nagbibigay ng pangamba at takot sa ating lipunan tungkol sa nCoV. Dagdag pa ni Año, kailangan ay magkaroon ng sapat na impormasyon ang lahat ng barangay tungkol sa nCoV at mga ‘protocol’ o mga dapat gawin kapag may nakita silang kahina-hinalang tao sa kanilang barangay na may sintomas ng nCoV.
Ayon kay Año, ang mga BHERT ay magkakaroon ng executive officer, isang village watchman at dalawang barangay health workers na may sapat na kagamitan at may kumpletong ‘protective gear’ upang hindi rin sila mahawaan ng nasabing virus. Ang BHERT daw ay magsisilbing ‘mata at tainga’ ng gobyerno.
Sa totoo lang po, dapat tayo ay magsaliksik, mag-aral at magbasa tungkol sa nCoV at kung papaano na hindi tayo mahawaan. Ang pinakamahalaga sa lahat ay kalinisan. Dapat ay palaging malinis ang ating mga kamay. Huwag humawak ng mga bagay-bagay sa mga pampublikong lugar tulad ng handrails, bukasan ng pinto, lalo na sa public toilets. Ganoon din sa pagpindot ng mga switch sa elevator. Dito kadalasan naiiwan ang virus o bacteria na maaaring makahawa sa tao. Kaya naman mahalaga na palaging malinis ang mga kamay at daliri. Kung walang hugasan, maaari ring magbuhos ng alcohol o sanitizer sa mga kamay bago hawakan ang ating mga ilong, bibig at mata. Dito pumapasok ang mga bacteria at virus na nagtutuloy sa sipon, ubo o trangkaso. Kung hindi maiiwasan, pigilan munang hawakan ang inyong ilong, bibig at mga mata hanggang hindi pa nakapaghuhugas o nalilinisan ang inyong mga kamay.
Hindi ba ninyo napapansin ang unang ginagawa ng ating mga doktor o dentista? Bago at pagkatapos sila humawak ng kanilang mga pasyente ay naghuhugas muna sila o naglalagay ng alcohol sa kanilang mga kamay. Ito nga ay upang makaiwas na makahawa o mahawaan ng sakit.
Gumagawa ng hakbang ang ating pamahalaan upang hindi lumala sa ating bansa ang pagkalat ng nCoV. Sana naman ay magsimula rin ito sa ating mga sarili upang hindi kumalat ang sakit sa ating pamilya sa pamamagitan ng mahigpit na kalinisan sa ating kapaligiran.
Comments are closed.