INIHAYAG ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na asahan na ang matinding trapiko na bubungad sa unang araw ng bagong taon dahil sa pagsasara sa southbound lane ng Roxas Boulevard sa Pasay City dulot ng isasagawang pagsasaayos ng kalsada nito.
Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, tiyak na makararanas ng trapiko sa Roxas Boulevard sa oras na isara ang kalsada sa may HK Plaza at Libertad.
Aniya, kailangan umanong i-repair ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang kalsada na maaaring maging peligroso para sa mga motorista kapag hindi naayos.
Idinagdag pa nito, tatlong buwan tatagal ang road closure na ipatutupad ng DPWH at Department of Transportation (DOTr).
Nakikipag-ugnayan na umano ang DOTr sa mga private entity kaugnay sa ruta ng mga truck at container na galing Port Area.
Planong i-divert sa mga secondary at tertiary road ang mga pribadong sasakyan habang isinasagawa ang road repair.
Ani Abalos, inaasahan na sa susunod na linggo maisapinal ang mga plano kaugnay sa road closure.