Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
3 p.m. – UST vs DLSU (Women Semis)
6 p.m. – DLSU vs AdU (Men Playoff)
WALANG katiyakan kung magiging buo na ang lineup ng La Salle sa pagsagupa sa Adamson sa isang no-tomorrow contest para sa karapatang harapin ang top-ranked Ateneo sa UAAP men’s basketball Final Four, ngayon sa Mall of Asia Arena.
Subalit umaasa pa rin si coach Derrick Pumaren na patuloy siyang makakakuha ng suporta mula sa supporting cast ng Green Archers, hindi alintana ang availability ng kanilang top stars.
Hindi nakapaglaro sina Mike Phillips at Kevin Quiambao sa final elimination round game ng La Salle kontra University of Santo Tomas dahil umano sa karamdaman, habang si Schonny Winston, nagpapagaling mula sa calf injury, ay limitado ang paglalaro.
“We just gotta keep fighting and hopefully good things will happen to us,” sabi ni Pumaren matapos ang 77-72 panalo ng Green Archers kontra Growling Tigers.
Nabuhay ang Final 4 hope ng Taft-based cagers nang pataubin ng kanilang long-time rival Blue Eagles ang Falcons, 66-61, noong Linggo.
Ang magwawagi sa La Salle-Adamson match sa alas-6 ng gabi ay makakaharap ng Ateneo sa Final Four sa Miyerkoles.
Makakalaban ng defending champion at No. 2 University of the Philippines ang third-ranked National University sa isa pang semis pairing sa Miyerkoles.
Sa pagtatapos sa top two sa pagwawakas ng eliminations, ang Blue Eagles at Fighting Maroons ay kailangan lamang manalo ng isang beses para umabante sa Finals.
Na-split ng La Salle ang kanilang elimination round head-to-head kontra Ateneo, habang ang Adamson ay 0-2 sa kanilang Katipunan counterparts.
Kung ang elimination round duels ang pagbabasehan, asahan ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng Green Archers at ng Falcons.
Nanalo ang Adamson sa overtime, 86-84, sa first round sa Antipolo City, bago gumanti ang La Salle sa 81-78 second-round victory sa buzzer beater ni CJ Austria.