Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
12 noon – NU vs DLSU (Men Final 4)
2 p.m. – UST vs FEU (Men Final 4)
4 p.m. – FEU vs NU (Women Final 4)
UMAASA ang Far Eastern University, ang pinakamatagumpay na UAAP women’s volleyball program na may 29 championships, na makagawa ng kasaysayan bilang unang No. 4 team sa Final Four era na umabante sa Finals laban sa top-ranked National University ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Umaasa ang Lady Tamaraws na makasampa sa pinakamalaking entablado sa liga, dalawang taon matapos ang disappointing one-win campaign sa pagsagupa sa Lady Bulldogs sa huling pagkakataon sa season sa alas-4 ng hapon.
“Kung sino man ang may gusto, kung sino man ang mataas ang pinaghuhugutan, kung sino talaga ang willing na manalo,” wika ni first-year coach Manolo Refugia sa Final Four decider.
Ang University of Santo Tomas, ang fabled rival ng FEU sa sport, ay umusad na sa best-of-three Finals makaraang hubaran ng korona ang La Salle sa limang sets noong nakaraang Sabado.
Ang Lady Tamaraws, na ang pinakahuling titulo ay nakamit sa 2007-08 season, ay huling naglaro sa championship round noong 2018 nang matalo sila sa Lady Spikers sa dalawang laro.
Bilang No. 4 team, pinuwersa ng Morayta-based squad ang eventual champion Ateneo sa deciding Final Four match subalit kinapos sa huli.
Nasayang ng NU, na matindi ang pagnanais na umabante sa title round, ang kanilang unang tsansa.
Sumandal ang Lady Tamaraws kina Chenie Tagaod at Tin Ubaldo, gayundin kina Mitzi Panangin at libero Anne Monares upang pataubin ang Lady Bulldogs, 25-23, 25-17, 25-23.
Nagawang mahila ng FEU ang kanilang season sa kabila ng two-point outing ni Gerzel Petallo at ng paglamig ng laro ni Congo’s Faida Bakanke matapos ang mainit na simula.
Ang showdown sa pagitan ng UST at ng survivor ng FEU-NU Final Four duel ang magiging unang Finals series na wala ang La Salle o Ateneo magmula noong 2008, nang talunin ng FEU ang Adamson sa isang epic championship na umabot sa full route sa The Arena sa San Juan, na ngayon ay Filoil EcoOil Centre.