HINIMOK ni House Public Accounts Chairman Mike Defensor si Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng 20% mandatory savings o pagbabawas ng ‘unnecessary expenses’ upang makatipid ang gobyerno at magamit ang halaga sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Defensor, dapat bawasan na ang mga biyahe, seminar at ibang hindi importanteng gastos ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng 20% mandatory savings.
Maaari, aniya, itong gawin ni Pangulong Duterte sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act na nagbibigay ng kapangyarihan sa Presidente na mag-reallocate at mag-reprogram ng pondo sa 2020 national budget.
Sinabi ng mambabatas na puwede nang bitiwan muna sa ngayon ang unnecessary spending na parte ng P1.6-trillion appropriation para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) budget.
Tinukoy niya ang non-essential MOOE items, kabilang ang travel, P19.4 billion; training and scholarship, P32.9 billion; supplies and materials, P108.3 billion; at representation, o dining out and entertainment ng mga opisyal at kanilang bisita na nasa P5.2 billion.
Puwede rin anyang bawasan ang alokasyon para sa komunikasyon, pagkuha ng consultants, advertising, subscription, donations, printing and publication, at membership dues and contributions sa mga organisasyon na aabot lahat sa P92.9 billion. CONDE BATAC
Comments are closed.