MISMONG kay Pangulong Rodrigo Duterte nanggaling ang matrix ng mga organisasyon at maging ang mga miyembro ng media sa tangkang destabilisasyon laban sa kanyang administration.
Sa ginanap na press briefing, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kapareho ng matrix ni Pangulong Duterte ang matrix na isinulat ni Dante Ang, chairman emeritus ng Manila Times sa kanyang artikulo na inilathala sa naturang pahayagan na may pamagat na “Oust-Duterte Plot Bared”.
“The source of that (matrix) is from the Office of the President, from the President himself. I don’t know how he got one, but it’s coming from the President,” wika ni Panelo.
Sa nasabing artikulo ay sinabi ni Ang na ayon sa kanyang source ay mayroong nakikitang pattern ng close coordination ng ilang media organizations sa paglalathala ng anti-Duterte stories.
Kabilang sa mga media organizations at mamamahayag na kabilang sa matrix na nag-uugnay kay alias “Bikoy” ay ang Rappler at CEO nitong si Maria Ressa, Vera Files president na si Ellen Tordesillas, Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at National Union of Peoples Lawyer (NUPL) ang mga umano’y nagsasabwatan para patalsikin sa puwesto ang Chief Executive.
Ayon kay Panelo, nakuha ito ng Pangulo mula sa isa sa sources niya at galing sa ibang bansa ang intelligence report.
Magugunita na isang alias “Bikoy” ang lumabas sa serye ng mga video na nag-aakusa kay Pangulong Duterte at mga miyembro ng pamilya nito na umano’y sangkot sa ilegal na droga na agad namang itinanggi ng kanyang pamilya.
Sinabi pa ni Panelo na hindi na nakapagtataka na mayroong planong patalsikin sa puwesto ang Pangulong Duterte.
“If you notice this has been going on, the pattern is clear – false news and then transferred to another and it circulates. So, I am not surprised at all,” giit pa ni Panelo.
Sa kabila ng detabilization plot ay wala naman aniyang plano ang gobyerno laban sa mga iniuugnay na personalidad sa nabanggit na plano.
Pinaliwanag ni Panelo na kaya inilabas ng Malakanyang ang naturang matrix para ipabatid sa mga kritiko at sa publiko na alam ng Pangulo ang kanilang mga plano. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.