MATULOY KAYA ANG PLANONG RECLAMATION SA MANILA BAY?

Magkape Muna Tayo Ulit

MATATANDAAN na naging mainit na isyu ang planong reclamation sa paligid ng Manila Bay. Ang nasabing malaking proyekto ay umusbong sa kaisipan ng mamamayan sa mga nalalabing buwan bago ang eleksiyon nitong taon. Isa sa mga nagtutulak nito ay ang dating mayor ng Manila na si Joseph Estrada. Ang sasakupin na lugar ng reclamation sa Manila Bay ay aabot mula sa Tondo, Manila hanggang sa may Pasay City.

Noong pumutok ang planong ito, umalma muli ang mga militanteng grupo. Tahasang tumututol sila sa reclamation project sa Manila Bay dahil marami raw mga maralita at mga mangingisda ang  mawawalan ng tirahan at hanapbuhay.

Matapos ang ilang buwan, ang Philippine Competition Commission (PCC) ay inaprubahan ang joint venture (JV) ng Udenna Development Corp., Ulticon Builders Inc., China Harbour Engineering Co. at ang Pasay City government para sa P62-billion land reclamation project na sasakop sa 265 hectares sa nasabing lunsod. Ayon sa PCC, hindi raw makasisira ang nasabing alok ng grupo sa kompetisyon ng negosyo sa nasabing lugar. Malaki pa nga raw ang posibilidad na lalaki ang merkado sa commercial at residential real estate sa Pasay City kapag ginawa ang nasabing reclamation area.

Marahil ang PCC ay isa lamang sa maraming ahensiya ng ating pamahalaan na nanga­ngailangan ng magbigay basbas upang masimulan ang nasabing proyekto. Maaring mangangaila­ngan din ng clearance mula sa Department of Environment and Natural Resources at ilan pang ahensiya ng gob­yerno. Hindi kataka-taka na muling magpoprotesta ang  ilang environment groups at militanteng grupo tungkol sa land reclamation sa Manila Bay. Aabot ng P62-billion ang gagastusin dito sa nasabing proyekto.

Isa sa mga hakbang ang pagbigay aprubal ng PCC. Marami pang kailangang ayusin ng grupong ito. Sa balitang ito, tiyak na nag-uusap na ngayon ang mga militanteng grupo at ibang mga environmental group na marahas na tututol dito.

Ang Pasay Harbor City Corp. ay nagsumite ng unsolicited proposal para sa proyektong ito noong buwan ng Nob­yembre 2017 at walang iba grupo ang nag-alok para rito. Ayon sa kasunduan ng JV, ang pamahalaan ng Pasay City ang sasagot sa pagsasaayos ng mga dokumento ng titulo sa pagsasa-legal ng mga reclaimed na lupain. Ang pribadong sektor naman ang gagastos sa proyektong ito.

Sa akin naman ay dapat matuloy ang proyektong ito. Hindi na iba ito sa mga reclamation project sa Singapore at sa Dubai. Malaki ang kikitahin ng ating gobyerno sa pamamagitan ng buwis kapag natuloy ang nasabing proyekto. Pagkakataon natin na ayusin ng mabuti ang latag ng nasabing lugar. Sa pagplano nito, tiyak na gagawa sila ng sistema upang magsilbing proteksiyon sa pagtapon ng basura at dumi sa Manila Bay. Sa kasalukuyan, malaking problema ng pamahalaan ang walang habas na pagtapon ng basura sa Manila Bay.

Tulad sa bansang Singapore, maaari tayong magsimula ng malinis, masinop at maayos na mga lugar kung saan nandoon ang mga modernong gusali, makabago at malawak na kalsada, modernong transportasyon, pa­liparan, daungan ng mga barko, tourist attractions sa planong reclamation project. Sana ay matuloy na ito.