HALOS isa at kalahating taon na lamang at nalalapit na ang 2022 national elections. Ngayon pa lamang ay tila umiinit na ang usapang politika. Marami na tayong nakikitang mga mambabatas at lokal na opisyal ay mas pumapapel sa media upang mapansin ng ating mga mamamayan, maka-administrasyon man o oposisyon.
Ilan sa kanila ay sumasakay sa mga maiinit na isyu ng bayan. Ang ilan sa mga naguumpisa ng mamulitika ay sumasakay sa mga isyu tulad ng dolomite sand sa Manila Bay, bayarin sa koryente, Covid-19, ECQ, national ID system, at marami pang iba.
Ang tanong, dahil wala pang malinaw na sagot kung kalian magkakaroon ng gamot laban sa Covid-19 sa mga susunod na buwan o taon, matutuloy ba ang eleksiyon sa 2022?
Ayon sa kakatalagang chairman ng COMELEC na si Sheriff Abas, wala raw plano ang kanyang ahensya na suspendihin ang halalan sa 2022. Niliwanag niya na ang tanging Kongreso lamang ang makakapagpahinto ng eleksiyon sa 2022 kung nararamdaman nila na magiging malaking hadlang o panganib sa kalusugan ng ating mamamayan ang pagkalat ng Covid-19 kapag nagtipon-tipon ang mga tao sa kahabaan ng pangangampanya at pagpila sa mga presinto upang bumoto.
Sa totoo lang, ito ay isang paksa na dapat nating bantayan. Ito ang wastong pagbalanse ng ating karapatan upang maghalal ng mga bagong opisyal ng ating bansa. Subali’t dahil sa pandemya, baka naman mas lumala ang bilang ng kaso ng Covid-19 kapag itinuloy natin ang 2022 election. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin sa pataas ang bilang ng kaso sa ating bansa ng nasabing sakit.
Ang malaking katanungan din ay maari rin kasing gamitin ang sitwasyon na ito upang mapalawig ang termino ng mga kasalukuyang mga opisyal ng ating bansa. Alam natin na labag ito sa ating Saligang Batas nguni’t kapag umakto ang ating Kongreso upang suspendihin ang 2022 elections dahil sa pandemya, ay maaring naaayon ito sa ating Konstitusyon.
Kung titignan natin sa Amerika, patuloy ang kampanya nila sa kanilang nalalapit na halalan. Mukhang hindi balakid ang Covid-19 sa kanilang karapatan upang bumoto para sa kanilang susunod na mga opisyal. Para maamyendahan kasi ang probisyon ng ating Konstitusyon, kinakailangan pa rin ng panukala na manggagaling sa 2/3 votes ng ating mga kongresman at senador. Kahit ganun pa man, kailangan na dumaan pa ito sa plebisito.
Kung dadaan pa ito sa plebisito, kailangan na umaksiyon na ang ating mga mambabatas kung nakikita nilang kailangan suspendihin ang eleksiyon. Subali’t maaring itaya nila ang kanilang reputasyon kapag ginawa nila ito. Sa aking palagay ay matutuloy ang eleksi8kyon sa 2022.
Comments are closed.