POSIBLENG magkaroon ng bagyo bago sumapit o mismong sa araw ng Pasko.
Ito ang naging pagtaya ng PAGASA at maaari itong tawaging Bagyong Querubin.
Hanggang kahapon ng umaga, iniulat ng PAGASA na wala pa silang namo-monitor na low pressure area sa Philippine Area of Responsibility.
Ang nararanasang makulimlim na panahon at pag-ambon ay dahil sa pag-iral sa Southern Luzon ng shear line o makitid na linya kung saan nagtatagpo ang magkasalungat na hangin.
Habang nararanasan din ang mahinang pag-ulan sa Luzon dahil naman sa Amihan.
Ngayong nagbabadya ang bagyo sa mga susunod na araw, sama-sama tayong manalangin na mahina lamang ito at huwag makapaminsala.
Habang dagdagan ang ibayong pag-iingat upang hindi madisgrasya.
Sana rin ay agad kumilos ang pamahalaan para agapan ang epekto sakaling tumama ang bagyo.
Tumulong din sana ang mga tao para ibsan ang epekto ng malakas na pag-ulan at ang pinakasimple subalit malaking tulong ay ang hindi pagtatapon ng basura upang hindi bumara sa kanal at iwas sa baha.