MAULAN NA UNDAS IBINABALA NG PAGASA

UNDAS

NAGBABALA ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa paparating na super typhoon na bagaman posibleng hindi mag landfall ay maapektuhan naman ang malaking bahagi ng Luzon.

Ito ay matapos na lumitaw sa monitoring ng state weather bureau na papasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Yutu kaya binalaan na rin ang mga nasa Central at Southern Luzon na maghanda ukol sa paparating na tropical depression.

Una nang inabisuhan ang mga nasa Northern Luzon na unang nakikitang mahahagip ng sama ng panahon subalit dahil nakita umano ng weather bureau ang paglawak ng bagyo kaya nag-isyu na rin sila ng advisory hanggang sa katimugan ng Luzon o Bicol region.

Ayon kay Pagasa forecaster Chris Perez, hindi nila inaalis ang posibilidad na maapektuhan ang buong Luzon kung magkakaroon ng landfall.

Sinasabing sa kasalukuyan ay may taglay na itong lakas ng hangin na halos 200 kph at mahigit 1,800 km pa ang layo sa silangan ng Luzon.

Nasa labas pa rin ng bansa ang bagyong Yutu at may lakas ng hanging aabot sa 180 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 220 kilometers bawat oras.

Kumikilos ang bagyo sa bilis na 20 kilometers bawat oras sa direksiyong West Northwest.

Ayon sa PAGASA, nga­yong umaga, Sabado, OOktubre 27, inaasahang papasok na ng bansa ang bagyo at papa­ngalanan itong Rosita at maaa­ring magdulot ito ng malakas na mga pag-ulan bago sumapit ng Todos Los Santos.

Nagbabanta itong mana­lasa sa Northern Luzon at sa eastern section ng Central Luzon sa pagitan ng araw ng Martes (Oktubre 30) at Miyerkoles (Oktubre 31).

Mula sa Lunes, Oktubre  29, maaring magtaas na ng Tropical Cyclone Warning Signal (TCWS) sa Isabela at Cagayan area.

Posibleng araw ng Lunes maaring makaranas na ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ang Northern at Central Luzon dulot ng nasabing bagyo kung hindi magbabago ang tinatahak nitong direksiyon.          VERLIN RUIZ

Comments are closed.