NAITALA ni Luka Doncic ang 25 sa kanyang 29 points sa first half, nagdagdag si Kyrie Irving ng 21 points at naiwasan ng Dallas Mavericks ang sweep sa 122-84 pagbasura sa Boston Celtics sa Game 4 ng NBA Finals noong Biyernes.
Babalik ang serye sa Boston para sa Game 5 sa Lunes kung saan sisikapin ng Celtics na tapusin ito sa home. Gayunman, nabuhay ang Dallas at nahila ang serye makaraang madominahan ng Boston ang unang tatlong laro ng best-of-seven series.
Nag-iba ang ihip ng hangin sa Game 4. Mainit ang naging simula ni Doncic at ng Mavericks at hindi na lumingon pa. Sinindihan ni Doncic ang 10-0 spurt sa first quarter sa isang floater at tinapos ito sa isang layup at kinuha ng Dallas ang 25-14 lead, may 3:19 ang nalalabi sa period.
Kinuha ng Dallas ang 34-21 lead sa pagtatapos ng first quarter, naitala ang huling 6 points sa 3-pointers nina Irving at P.J. Washington.
Bumuslo ang Mavericks ng 52.3 percent mula sa field laban sa 29.7 percent ng Celtics sa opening half. Namayani rin ang Dallas sa rebounding battle, 29-13, sa opening 24 minutes.
Pinalobo pa ito ng Dallas sa second half, lumamang ng hanggang 48, at kinuha ang 115-67 bentahe sa 3-pointer ni Jaden Hardy, may 5:58 sa orasan. .
Umabot ang Mavericks sa 100-point mark ilang minuto bago ito sa 3-pointer ni Tim Hardaway Jr. Ang Dallas ay hindi umabot sa 100-point mark sa alinman sa unang tatlong laro kontra Boston.
Tumapos si Hardaway na may 15 points sa 5-of-7 shooting mula sa 3-point range.
Ang Celtics ay pinangunahan ni Jayson Tatum na may 15 points. Nagdagdag sina Sam Hauser ng 14 points, at Payton Pritchard ng 11.